Nagkampeon si Nephtali Bantang, isang 33-anyos na chess player mula Corcuera, sa katatapos lamang na Mayor’s Cup Chess Tournament na ginanap sa Legislative Building ng Odiongan noong Abril 5, 2025.
Tinalo niya ang 49 pang kalahok matapos makalikom ng kabuuang 6.5 puntos mula sa 7 rounds (6 panalo, 1 tabla). Ito na ang kanyang pangalawang kampeonato ngayong taon, matapos niyang magwagi rin sa Pangasinan Open noong Marso.
Pumangalawa si Vance Tristan Fajarit, na nagmula rin sa Corcuera, na may 6 puntos (6 panalo, 1 talo). Pumangatlo naman si Danny Fadriquela ng Odiongan na may 5.5 puntos, habang nagtapos sa ikaapat na pwesto si Rey Faminiano ng Odiongan na may parehong 5.5 puntos.
Pang-lima si Rey Fajarito mula San Agustin na may 5 puntos, habang pang-anim naman si Vincent Fajarillo mula Corcuera na may parehong 5 puntos. Nasa ikapitong pwesto si Noe Ramon mula Sta. Fe na may 5 puntos rin, at pangwalo si Renato Mame mula Odiongan na may parehong 5 puntos.
Ang mga nasa ika-5 hanggang ika-8 pwesto ay nagkaroon ng parehong puntos kaya’t ang kanilang ranggo ay itinakda sa pamamagitan ng tie-break system.
Sa mga special awards, nakuha ni Princess Nicole Galin ng Looc ang Top Lady Player, habang si Elijah Madeja ng San Andres ang kinilala bilang Top Kiddie Player. Si Zach Davin Familara ng Odiongan ang pinakabatang lumahok sa torneo, habang si Nam Xavier Familara ng Odiongan naman ang nagwagi sa Fastest Win of the Tournament.
Ang chess tournament na ito ay bahagi ng ika-178 Foundation Anniversary Celebration ng Odiongan. Inorganisa ito ng Odiongan Chess Club at ng LGU Odiongan sa pangunguna ni Mayor Trina Firmalo-Fabic.
Discussion about this post