Bukas ang lokal na pamahalaan ng San Andres sa panukalang joint management ng municipal waters sa boundary ng Odiongan at San Andres, kasunod ng anunsyo ng LGU Odiongan na kanilang pag-aaralan ang naturang plano upang matulungan ang mga mangingisda sa dalawang bayan.
Nag-utos si Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic sa kanilang Municipal Agriculture Office na makipag-ugnayan sa bayan ng San Andres upang makabuo ng isang joint management proposal para sa municipal waters.
Bilang tugon, nagpahayag si San Andres Mayor Arsenio Gadon na bukas sila sa ganitong kasunduan.
Ayon kay Gadon, makatutulong ito sa mga mangingisdang hindi sinasadyang napapadpad sa municipal waters ng Odiongan dahil sa malalakas na alon at hangin. Dagdag pa niya, halos magkapitbahay lang ang mga mangingisda ng San Andres at Odiongan, kaya makabubuting magkaroon ng kasunduan upang maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan.
Suportado rin ni San Andres Vice Mayor Joel Ibañez ang panukala. Sa isang panayam nitong Linggo, kinumpirma niyang nakatanggap na sila ng imbitasyon mula sa LGU Odiongan para sa isang pagpupulong upang talakayin ang naturang usapin.
Inaasahang sa darating na March 21 gaganapin ang pagpupulong kaugnay sa nasabing usapin.