Matagumpay na natapos ang isang linggong paligsahan sa MIMAROPA RAA Meet 2025 na ginanap sa Puerto Princesa City, Palawan noong March 11–15, 2025.
Bagamat nasa ika-anim na puwesto sa medal tally, hindi maitatanggi na ibinigay ng mga atletang Romblomanon ang kanilang husay at dedikasyon upang ipagmalaki ang ating probinsya. Sa kabuuan, nag-uwi ang Team Romblon ng 7 gintong medalya, 18 pilak, at 47 tanso.
Pinatunayan ng Team Romblon na hindi sila basta-basta sumusuko sa laban, at ilan sa kanila ay nagtagumpay at nakuha ang pinakaaasam na gintong medalya. Ang mga atletang ito ay maghahanda na para sa Palarong Pambansa 2025, ang pinakamataas na antas ng kompetisyon sa larangan ng pampaaralang palakasan sa bansa.
Kabilang sa mga nakasungkit ng gintong medalya para sa Romblon ay sina Peter Cliff Tumbagahon mula sa Sta. Fe para sa Chess, Lee Anselm Lozada mula sa Cajidiocan para sa Billiards, Frex Abrenica mula sa Odiongan para sa Table Tennis, Alexis Rico mula sa Cajidiocan para sa Pole Vault, Jamela Villaresis mula sa Looc para sa 100m Hurdles, at King Archilles Fetalvero mula sa Odiongan para sa Shot Put sa Elementary Level.
Nagwagi rin ng gintong medalya ang Volleyball Boys Team mula sa Odiongan sa Elementary Level na binubuo nina Kurt Daniel Castro, Mark Jayson Dalisay, Ryan Razel De Juan, Jayden Famisaran, James Lourence Fegurasin, RG Fetalver, Zyrelle Forcadas, Henry Jazz Mangao, Prince Galo Mariñas, Ram Reamiel Morgado, Brent Liam Panoy, at Abram Jed Suyat.
Sa huling araw ng kompetisyon, isang karagdagang gintong medalya ang naiuwi ng Team Romblon mula sa 4x400m Relay sa Athletics Elementary Level. Ang panalong ito ay nakamit nina James Paulo Ibabao mula sa Cambajao Elementary School sa Cajidiocan, Vince Labastida mula sa Cabolutan Elementary School sa San Agustin, French Gatchalian mula sa Doña Juana Elementary School sa San Agustin, at Jhon Sedrick Rotoni mula sa Cantagda Elementary School sa Cajidiocan.
Ayon sa mga head coaches, dahil sa timing ng event, ang gintong medalya sa 4x400m relay ay hindi na naisama sa opisyal na medal tally, na dapat sana ay 8 gold medals para sa Team Romblon.
Sa final medal tally ng MIMAROPA RAA Meet 2025, nakamit ng Puerto Princesa City ang overall championship sa pamamagitan ng kanilang 121 gold, 77 silver, at 64 bronze. Nasa ikalawang puwesto ang Palawan na may 88 gold, 86 silver, at 87 bronze. Pumangatlo ang Oriental Mindoro na may 68 gold, 70 silver, at 69 bronze. Nasungkit naman ng Occidental Mindoro ang ika-apat na puwesto na may 31 gold, 48 silver, at 62 bronze. Ang Calapan City ay pumanglima na may 30 gold, 45 silver, at 73 bronze.
Nasa ika-anim na puwesto ang Romblon na may 7 gold, 18 silver, at 47 bronze, na dapat ay 8 gold kung naisama ang 4x400m relay. Pumanghuli naman sa ikapitong puwesto ang Marinduque na may 5 gold, 7 silver, at 22 bronze.
Isang pagpupugay sa lahat ng mga Romblon athletes at coaches na nagbigay ng karangalan sa ating probinsya. Hanggang sa susunod na kompetisyon—Palarong Pambansa 2025 sa Ilocos Norte!