Nanawagan si Engr. Roger Fodra Jr., kandidato sa pagka-alkalde ng Odiongan, sa mga mamamayan na patuloy na magdamayan at magtulungan sakaling muling maranasan ng bayan ang krisis sa tubig ngayong tag-init, tulad ng naranasan noong nakaraang taon dahil sa epekto ng El Niño.
Ayon kay Fodra, bagama’t hindi madalian ang pagbibigay ng solusyon sa problema sa suplay ng tubig, naniniwala siyang darating ang panahon na ito ay ganap na masosolusyunan.
Gayunman, aniya, habang ginagawa ang mga pangmatagalang hakbang upang tugunan ang suliraning ito, mahalagang magtulungan ang bawat isa.
“For the time being, nandito ang problemang ito tuwing summer. Pagtulungan natin. ‘Yung mga may kakayahan, na kaya mag-extend ng assistance, please,” pahayag ni Fodra.
“Magtulungan po tayo. Habang gumagawa tayo ng fix solution dito sa problema, magtulong-tulong tayo. Kawawa ang ating mga kababayan,” dagdag pa nito.
Sa kanyang kampanya, binibigyang-diin ni Fodra ang pagkakaroon ng pangmatagalang solusyon sa problemang dala ng kakulangan sa tubig. Bilang dating alkalde, batid niya ang epekto ng matinding tagtuyot sa pang-araw-araw na buhay ng mga residente, lalo na sa sektor ng agrikultura at pangkabuhayan.