May kabuuang 386 na mag-aaral sa elementarya sa Odiongan, Romblon ang matutulungan sa pagbabasa sa pamamagitan ng “Tara, Basa! Tutoring Program” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na inilunsad sa bayan nitong Biyernes, Marso 14.
Ayon kay DSWD Undersecretary for Innovations Eduardo Punay, ang Tara, Basa! ay isang reformatted educational assistance program na hindi lamang nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga mahihirap na estudyante sa kolehiyo kundi tumutulong din sa mga batang hindi pa marunong magbasa sa mga pampublikong paaralan.
“This is our reformatted educational assistance wherein we provide cash-for-work for our indigent college students in state and local universities and colleges. Hindi na lang tayo basta ayuda ngayon. We require them to contribute to nation-building kapalit ng educational assistance,” pahayag ni Punay.
Sa ilalim ng programa, kinakailangang magturo ng pagbabasa ang mga college students sa non-reader elementary students kapalit ng honorarium na katumbas ng regional minimum wage. Inaasahang tatanggap ang mga magtuturo ng mahigit P8,000 para sa 20 araw ng pagtuturo.
Ayon kay RSU Vice President for Academic Affairs Dr. Emelyn Montoria, may kabuuang 116 na college students mula sa kanilang unibersidad ang magiging bahagi ng programa.
Isa ang Odiongan sa dalawang lugar sa MIMAROPA na napili ng DSWD para sa pilot implementation ng programa.
Samantala, pinasalamatan ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic ang DSWD sa pagpili sa kanilang bayan, dahil malaki umano ang magiging epekto ng programa sa mga mag-aaral sa elementarya at sa mga estudyante ng kolehiyo.
“Maganda siya kasi ‘yung mga elementary learners natin ay matututo lalo na magbasa, at the same time, ‘yung college students natin ay magkakaroon ng tiyansa na suportahan ang sarili nila dahil makakatanggap sila ng honorarium for this work. At the same time, makakapag-practice teach sila, dahil mga education students din ito. Napakagandang programa ng DSWD, and we are really very happy and grateful for this program,” ani Mayor Fabic.
Ayon naman kay DepEd Romblon Assistant Schools Division Superintendent Dr. Cynthia Eleonor Manalo, bagama’t mataas ang ranking ng Romblon sa national assessment sa pagbabasa, marami pa ring kailangang pagtuunan ng pansin, lalo na pagdating sa reading comprehension.
Ang Tara, Basa! ay ipinatutupad na sa 11 rehiyon sa buong bansa at patuloy pang pinalalawak sa ilalim ng Executive Order No. 76 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Layunin nitong tiyakin ang sapat na pondo at sustainability ng programa upang matulungan ang mas maraming kabataang Pilipino sa kanilang pagkatuto.
Discussion about this post