Pinaplanong pumasok ng Starhorse Shipping Lines sa Philippine Basketball Association (PBA) matapos itong magpahayag ng interes sa pagbili ng Terrafirma Dyip franchise.
Ayon sa ulat ng Spin.ph, nakipagpulong ang mga kinatawan ng Starhorse kay Terrafirma Dyip governor Bobby Rosales noong nakaraang linggo, pati na rin kay PBA Commissioner Willie Marcial kamakailan upang pag-usapan ang posibleng pagbili ng koponan.
Ang huling beses na nagpalit ng may-ari ang isang PBA franchise ay noong 2022, nang bilhin ng Converge ang Alaska Aces sa tinatayang halagang P100 milyon. Katulad ng transaksiyon sa pagitan ng Alaska at Converge, kailangang dumaan ang Starhorse sa isang proseso ng pag-apruba, lalo na dahil ito ay nasa parehong industriya ng Northport’s parent company, Manila North Harbour Port.
Para sa negosasyon, kumuha ang Starhorse ng tatlong pangunahing kinatawan—sina Jackson Chua, Bernard Yang, at Melo Navarro. Si Chua, isang negosyante, ay dating namahala sa MPBL team ng Basilan, na magbabalik sa liga ngayong taon matapos ang apat na taong pagkawala. Samantala, sina Yang at Navarro ay kasalukuyang direktor sa University and Colleges Athletics League (UCAL). Ang tatlong ito ay bahagi rin ng pamunuan ng Starhorse-Basilan sa MPBL.
Kung matutuloy ang pagbili, tuluyan nang magtatapos ang mahigit isang dekadang paglahok ng Terrafirma sa PBA. Ang prangkisa ay unang pagmamay-ari ng Columbian Autocar Corporation mula 2014 hanggang 2020 bago ito inilipat sa Terra Firma Realty Development Corporation noong Hunyo 2020.