Umapela ang Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko na bigyang suporta ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa pamamagitan ng pagbili ng lokal na produkto bilang panregalo ngayong Kapaskuhan.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon noong Nobyembre 22, sinabi ni DTI-Romblon Provincial Director Orville Mallorca na ang pagtangkilik sa sariling produkto ay mahalaga upang matulungan ang mga MSMEs na makaahon sa mga hamon sa ekonomiya. Ipinaliwanag ni Mallorca na ang pagbili ng lokal na produkto ay may direktang epekto sa kabuhayan ng mga manggagawa at negosyo sa probinsya.
“Kapag tinitangkilik natin ang sariling produkto, nasusuportahan natin ang livelihood ng ating mga kababayan, napapanatili ang trabaho ng mga nagsu-supply, at nananatili sa ekonomiya ng probinsya ang sirkulasyon ng pera,” ani Mallorca.
Ayon kay Mallorca, ang pagbili ng mga natatanging produkto ng Romblon tulad ng marble crafts mula sa bayan ng Romblon at mga handcrafted goods mula sa iba’t ibang bahagi ng probinsya ay makakatulong hindi lamang sa mga MSMEs kundi pati na rin sa pagpapalaganap ng kultura at tradisyon ng Romblomanon.
Dagdag niya, ang OTOP Center (One Town, One Product) sa Odiongan at ang Marble Shopping Center sa bayan ng Romblon ay bukas para sa mga nais bumili ng lokal na produkto.
Bilang bahagi ng pagpapalakas sa suporta sa mga MSMEs, binanggit din ni Mallorca na nagpasa ng Go Local Ordinance ang mga bayan ng Odiongan at Romblon. Sa ilalim ng ordinansa, ang mga lokal na produkto ay ginagamit bilang opisyal na tokens ng mga lokal na pamahalaan sa tuwing may mga bisita o opisyal na aktibidad.
Ang kampanya ng DTI ay bahagi ng kanilang programang Go Local, na naglalayong hikayatin ang bawat isa na kilalanin at tangkilikin ang kalidad ng mga produktong Pilipino.
Discussion about this post