Bagama’t limitado lamang sa 12 atleta at dalawang sports ang nilahukan ng Romblon State University (RSU) sa katatapos na Southern Tagalog Regional Association of State Universities and Colleges (STRASUC) Olympics 2024 sa Puerto Princesa, Palawan, nag-uwi pa rin ang RSU ng limang gold at isang bronze na medalya sa event na ginanap noong October 21-25, 2024.
Sa Futsal Men’s division, matagumpay na nadepensahan ng RSU ang kanilang kampeonato na napanalunan nila noong nakaraang taon. Muling ipinakita ng koponan ang kanilang kahusayan sa laro sa pamamagitan ng mga sunod-sunod na panalo—una nilang tinalo ang Palawan State University (PSU) sa score na 3–1, at kasunod na nilampaso ang University of the Philippines Los Baños (UPLB) sa score na 4–0. Sa championship game, nalampasan ng RSU ang Western Philippines University (WPU) sa score na 2–1, na nagbigay sa kanila ng back-to-back championship.
Pinangunahan ni Coach Dave John Gamol ang koponan, at ayon sa kanya, “It’s a total team effort.” Bawat manlalaro ay may mahalagang papel sa koponan, at matagumpay nilang nagampanan ang kanilang mga tungkulin.
Bagama’t ang team ay halos bago, apat sa mga miyembro ay mula sa kampeonatong koponan ng nakaraang taon—sina Noeva Moaje, Josiah Francisco, Edgar Tumanon II, at Jomel Garachico—na nagdala ng kanilang winning attitude sa mga bagong kasama tulad nina Manuel Roa, Matthew Delos Reyes, Josh Madeja, Raul Feliciano, Joseph Araque, at Jef Martinez.
Sa Athletics, nakakuha si Neslie Falcunitin ng bronze medal sa 800-meter run. Nag-compete din siya sa 1500-meter run, kung saan nagtapos siya sa ikapitong pwesto, at sa 3000-meter run, na natapos niya sa ikalimang pwesto.
Isa pa sa mga atleta ng RSU, si Haniel Fillarca, ay nagpakita rin ng determinasyon sa kanyang mga events, kung saan nagtapos siya ng ikaapat sa 3000-meter at 5000-meter run, at ikaanim sa 1500-meter run.
Sa kabuuan ng kompetisyon, ang Palawan State University ang itinanghal na overall champion ng STRASUC Olympics 2024.
Discussion about this post