Isang malaking laban ang naghihintay sa 29-taong-gulang na MMA fighter mula sa Romblon, si Marvin “The Marble” Malunes, na sasabak sa Hex Fight Series 33 sa Melbourne, Australia sa darating na November 23, para sa bantamweight title.
Ang Hex Fight Series ay isang prestihiyosong MMA promotion sa Australia, at ang magiging kalaban ni Malunes ay ang undefeated Australian fighter na si Colby “The Slickness” Thicknesse, na may 5–0 MMA record.
Si Malunes, na lumaki sa Tulay, Odiongan, Romblon, ay matagal nang aktibo sa mga sports. Bago siya sumabak sa MMA, lumahok muna siya sa athletics noong elementarya at high school.
Noong siya’y nasa kolehiyo, sinubukan niyang sumali sa Philippine Taekwondo Federation sa ilalim ng patnubay ni Master Nestor Yap, isang kilalang taekwondo master mula rin sa Odiongan.
Nang makarating si Marvin sa Cavite, nakatagpo siya ng isang boxing gym na nagpatibay ng kanyang disiplina at dedikasyon sa sport. Matapos makita ang kanyang potensyal, iminungkahi ng kanyang trainer na subukan ang MMA, at pumasok siya sa Team The Elements.
Mula noon, sumabak na siya sa maraming international competitions at ngayon ay haharapin ang kanyang pinakamalaking laban para sa Hex Fight Series 33 Bantamweight Title.
Maliban sa Hex Fight Series, sumasali rin si Marvin sa Impact Fighting Championship sa South Africa. Kasalukuyan siyang nagti-training sa Road Gym Team The Elements at sa Encuentro MMA Fitness Gym sa ilalim ng kanyang coach na si Monith Fabroa.
Sa nalalapit niyang laban, humihiling si Marvin ng suporta at panalangin mula sa kanyang mga kababayan sa Romblon at sa buong Pilipinas.