Iniulat ng Romblon Police Provincial Office na dalawang estudyanteng walang lisensya ang nasangkot sa magkahiwalay na aksidente sa mga bayan ng Odiongan at San Andres, Romblon, nitong umaga ng Lunes.
Sa Barangay Agpudlos, San Andres, isang rider na kinilalang si Airon Antonio Maquinto, 21, ang sumalpok sa likuran ng isang Nissan Navara. Angkas ni Maquinto ang kanyang kapatid na babae. Ayon sa ulat, bigla na lamang sumalpok ang motor sa likuran ng pickup na nasa harapan nila.
Samantala, sa Brgy. Poctoy, Odiongan, isang 18-anyos na estudyante naman ang sumalpok din sa likod ng pickup truck ng Sunwest Construction. Ayon sa imbestigasyon, parehong binabaybay ng pickup ang kahabaan ng national road patungong Poblacion, Odiongan. Huminto ito upang pagbigyan ang mga tumatawid na estudyante sa harap ng ESTI, ngunit dahil sa bilis ng takbo ng rider, hindi ito agad nakapagpreno at nasalpok ang likuran ng sasakyan.
Parehong nagtamo ng galos sa katawan ang mga driver ng motorsiklo at ang kanilang mga angkas.
Muling nagpaalala ang kapulisan sa publiko na kumuha ng tamang lisensya bago magmaneho. Anila, mahalaga ang lisensya dahil tinuturo nito ang wastong paraan ng pagmamaneho at mga alituntunin sa kalsada upang maiwasan ang mga ganitong aksidente.