Aabot sa halos isang libong residente ng Odiongan, Romblon ang nakinabang sa tatlong araw na Diskwento Caravan na isinagawa ng Department of Trade and Industry (DTI) Romblon, kung saan nakabili sila ng murang grocery at agricultural products.
Ayon kay Mary Grace Fontelo, Information Officer ng DTI Romblon, ang nasabing aktibidad ay bahagi ng selebrasyon ng Consumer Welfare Month ngayong Oktubre. Sampung micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ang nakiisa sa proyekto upang mag-alok ng mga produkto sa mas mababang presyo.
“Inihahandog ng DTI Romblon itong Diskwento Caravan upang matugunan ‘yung pangangailangan ng ating mga mamimili na [makabili] ng mas mababang presyo,” ayon kay Fontelo.
Sa kabuuan, nakapagtala ng mahigit P600,000 na benta ang mga nakilahok na MSMEs sa nasabing aktibidad.
Ayon sa ilang benepisyaryo, malaking tulong ang Diskwento Caravan lalo na ngayong ramdam ang epekto ng inflation.
Si Aima Casinto, isa sa mga mamimili, ay nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa ahensya.
“Ako po ay nagpapasalamat dahil itong Diskwento Caravan ng DTI ay malaking tulong sa [pagbili] ng mga commodity na mga tinda dito ngayon. Malaking katipiran,” pahayag nito.