Huli sa isang isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) Mimaropa, katuwang ang Police Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) at Calapan City Drug Enforcement Team (CDET), ang isang 42-anyos na lalaki matapos mahuling nagbebenta ng umano’y shabu sa Sitio Wireless, Barangay Bulusan, Calapan City gabi ng Biyernes.
Nakumpiska mula sa suspek ang limang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng malalaking tipak ng hinihinalang shabu, na tinatayang may bigat na 25 gramo at may street value na humigit-kumulang P170,000.
Bukod sa limang sachet, nakumpiska rin ang isang android cellphone, itim na wallet, supot na pinaglagyan ng mga kontrabando, motorsiklong ginamit sa paghatid ng iligal na droga, at ang boodle money na tig-P1,000.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at kasalukuyang nasa pangangalaga ng PDEG Mimaropa.
Discussion about this post