Hinihikayat ng Philippine Statistics Authority (PSA) – Romblon ang publiko na suportahan ang isinasagawang Census sa Agrikultura at Pangisdaan o ang 2022 CAF.
“Suportahan po natin itong 2022 CAF, on-going na po ang ginagawang survey at information desimination tungkol dito sa operation ng CAF para mas maging aware itong mga kababayan natin,” ito ang panawagan ni Engr. Dandy Fetalvero, supervising statistical specialist ng PSA Romblon, sa ginanap na PSA Press Conference nitong September 15.
Aniya, nagsimula na noong September 4 ang roll-out ng 2022 CAF kaya asahan na umano ang mga tauhan ng PSA na kumakataok sa kanilang mga bahay.
Sa Census of Agriculture and Fisheries, kukunin ng PSA ang datus ng isang bahay na may kaugnayan sa agrikultura kagaya ng dami ng mga tanim na puno, mga palaisdaan, at mga palayan.
Ang mga respondents ay sasalang sa survey sa pamamagitan ng computer-assisted personal interviews at self-administered questionnaires.
Para masiguro naman umano ang siguridad ng publiko at maiwasan ang ilang haka-haka, sinabi ni Engr. Fetalvero na ang mga enumerators ng CAF ay may suot na mga ID, at naka-uniform ng Philippine Statistics Authority.