Pinag-iingat ng Office of the Provincial Veterinarian (ProVet) ang publiko laban sa dumaraming kaso ng rabies sa isla ng Tablas, Romblon lalo na sa mga bayan ng Santa Maria, San Agustin, Alcantara, at Odiongan.
Ayon kay Dr. Paul Miñano, hepe ng ProVet, 23 na ang naitala nilang asong namatay at positibo sa rabies kung saan 20 rito ay nakumpirma na ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
“Sa bilang na ito, meron pang iba jan na unreported. Ito ‘yung mga namatay nalang, at reported nalang sa atin, kumbaga, hindi na nai-test kung talagang positibo pero nagpakita itong mga namatay na ito ng sintomas ng rabies,” pahayag ni Dr. Miñano.
“Patuloy kami na nananawagan sa publiko na itali ang kanilang mga aso, para hindi na kumalat itong sakit dahil kung makakagat niyan ng tao, delikado talaga yan para sa nakagat,” dagdag nito.
Sinabi ni Dr. Miñano na isang bata ang nasawi kamakailan sa bayan ng Santa Maria matapos makagat ng isang aso noong Disyembre.
“After two months [nang makagat], nagpakita itong bata ng sintomas ng rabies, hanggang sa bawian ng buhay dito sa Romblon Provincial Hospital,” ayon sa Provincial Veterinarian.
Ayon sa Doctor, dapat umanong bantayan ang aso kung sakalit nangagat ito at ipag-alam sa Municipal Agriculturists Office kung makitaan ng sintomas ng rabies gaya ng pagiging agresibo, abnormal na pagkain, paglalaway, sensitibo sa mga galaw, at kung mamatay ang aso.
Kung makagat ng o malawayan ng aso na may rabies, agad na magtungo sa pinakamalapit na Animal Bite Center para mabigyan agad ng gamot.
Bilang tugon ng pamahalaang panlalawigan, bumili na umano ang ProVet ng 300 vials ng anti-rabies vaccines para maiturok sa mga aso sa mga nabanggit na bayan na may naitalang mga kaso na ng rabies.