Tamang pamamahagi at pagiging transparent ng resulta ng mga pre-election survey ang nakikitang solusyon ng tambalang Lacson-Sotto para maiwasan ang idinudulot nitong ‘mind-conditioning’ sa publiko o paglikha ng interpretasyon na magdidikta sa desisyon ng mga botante.
Ayon kay presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson, sa kanilang mga town hall meeting sa iba’t ibang mga probinsya kasama ng kanilang mga senatorial candidate tulad ni dating Agriculture Secretary Manny Piñol, palagi nilang naitatanong sa mga dumadalo kung sino sa kanila ang natanong na sa mga survey. Wala pa umanong kahit isa na sumagot na naging kabilang sila sa respondents.
“Sa dami nang napuntahan namin—Luzon, Visayas, Mindanao—at lagi namang tinatanong ni Secretary (Piñol), meron na ba rito sa inyong natanong, na-survey? Talagang zero, as in zero—as of now… We’re expecting na somehow merong tataas ng kamay, ‘ako po, natanong ako,’ but wala,” sabi ni Lacson.
Ibinahagi ito ni Lacson at ng running mate niya na si vice presidentiable Vicente ‘Tito’ Sotto III sa kanilang pagdalo sa ‘Kapihan ng Samahang Plaridel’ media forum nitong Lunes. Dito, muli nilang inihayag na napapanahon na upang magkaroon ng regulasyon ang paglabas sa media ng mga resulta ng surveys.
Sabi ni Sotto, iminungkahi na nila sa kanilang mga senatorial candidate na kung mananalo sila ay maaari silang maghain ng panukalang batas na magmomonitor o aayos sa sistema ng paglalabas ng mga resulta ng surveys upang mas maging klaro ito sa mga makakabasang botante.
“More open—transparent, I should say, more transparent. How did you conduct it? Where, ‘di ba?” ayon sa kasalukuyang Senate President. Kasabay nito, nais din niya na linawin ng mga public opinion polling body o mga kompanyang nagsasagawa ng survey, kung paano nila nakukuha ang kanilang resulta.
“There’s a group. I don’t know kung tama ‘yung term, ano, pero ang tawag sa kanila… It’s a company that conducts surveys. And they are the ones that are tapped by all the other groups who conduct the survey. Now, there are other groups now. That’s why you’re receiving different surveys from the provinces… It’s different from the national survey,” sabi ni Sotto.
Maging ang senatorial candidate ng Lacson-Sotto tandem na si Dra. Minguita Padilla ay sang-ayon sa pagkakaroon ng pagbabago sa mga paraan ng pagsu-survey sa opinyon ng mga botante bago ang araw ng eleksyon.