Suspendido parin ngayong taon ang pangongolekta ng taunang bayad sa pag-rehistro ng mga tricycle-for-hire sa bayan ng Odiongan upang mabigyan ang mga ito ng pagkakataong makabawi sa kanilang pagkalugi dahil sa kinakaharap na pandemya ng bansa.
Ito ang nilalaman sa resolusyong inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng Odiongan noong ika-17 ng Enero.
Ayon sa resolution 2022-07 na isinulat ni SB member Gecelle Fainsan, malaki umano ang naging epekto sa negosyo sa public tranportation ang pandemya kasama na ang mga tricycle-for-hire sa bayan kaya dapat lang na bigyan sila ng ‘waver’ para sa registration fee.
Sa isang panayam naman ay sinabi ni Vice Mayor Diven Dimaala, kasalukuyang chairman ng Municipal Tricycle Franchising Regulatory Office, na agad-agad nilang ipatutupad ang inaprubahang resolusyon.
Maalalang nagpasa rin ng parehong resolusyon noong nakaraang taon ang Sagguniang Bayan na ikinatuwa rin ng mga tricycle drivers at operators.