Nagdeploy ang Department of Health (DOH) ng mga doktor sa ilalim ng Doctors to the Barrios (DTTB) program at mga nurse sa ilalim ng Nurse Deployment Program (NDP) upang palakasin ang healthcare services sa iba’t ibang bayan sa Romblon.
Bahagi ito ng patuloy na healthcare initiatives ng administrasyon ni Ferdinand R. Marcos Jr. na naglalayong mapabuti ang serbisyong medikal sa mga geographically isolated at underserved communities sa bansa.
Sa ilalim ng deployment program, nagtalaga ng mga doktor sa mga bayan ng Cajidiocan, Odiongan, San Fernando, Romblon, at Concepcion.
Ayon sa DOH, ang DTTB assignments ay nakatakdang manatili sa kanilang mga area of assignment sa loob ng tatlo hanggang apat na taon depende sa deployment period.
Samantala, may kabuuang 88 nurse na kasalukuyang naka-deploy sa lalawigan sa ilalim ng Nurse Deployment Program. Inaasahan ding madadagdagan pa ito ng siyam na nurse pagsapit ng Hunyo 1 na magdadala sa kabuuang bilang sa 97.
Tumutulong ang mga nurse sa mga Rural Health Units, municipal health offices, at barangay health stations sa pagbibigay ng primary healthcare services, maternal at child care, immunization programs, health education, at community-based medical services lalo na sa mga malalayong barangay.
Ang Doctors to the Barrios program ay isa sa mga pangunahing programa ng pamahalaan upang mapalawak ang access sa serbisyong medikal sa mga bayan na kulang sa doktor at healthcare personnel.
Ayon kay Concepcion Mayor Nicon Fameronag, malaking tulong ang DTTB program lalo na sa mga island municipalities na hirap makahikayat ng mga doktor kahit may iniaalok na mataas na sahod dahil sa layo ng lugar.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang ilang residente sa paglapit ng serbisyong pangkalusugan sa kanilang mga komunidad.
Ayon kay Ramil Ferranco sa panayam ng Romblon News Network, malaking ginhawa para sa mga residente ng isla katulad niya ang pagkakaroon ng mas accessible na serbisyong medikal lalo na para sa mga pasyenteng kailangang agad matingnan ng doktor.
Sinabi naman ng Provincial DOH Office sa Romblon na inaasahang makatutulong ang deployment ng mga healthcare worker sa pagpapalakas ng primary healthcare services, disease prevention programs, at pagpapalawak ng access sa medical consultation at treatment sa mga liblib na bayan ng lalawigan.



































Discussion about this post