Nagising sa baha ang ilang residente ng bayan ng Romblon, Romblon ngayong umaga matapos ang magdamagang ulan na naranasan sa probinsya dulot ng Low Pressure Area at ng umiiral na Southwest Monsoon.
Ayon kay Sherryl Lou Mirabete, residente ng Barangay Dos, nagising sila ay nasa loob na ng kanilang bahay ang tubig.
Tumaas rin umano ang tubig sa mga tulay, at creek sa nasabing barangay. Hapon palang umano kahapon ay malakas na ang ulan at tuloy-tuloy itong naranasan kaninang madaling araw.
Patuloy naman ang pagbabantay ng Romblon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga lugar na binaha lalo pa at ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o Pagasa ay patuloy na makakaranas ang probinsya ng pag-uulan ngayong Huwebes.