Bagama’t may naitulong sa turismo ng Romblon ang ABS-CBN, wala na umano itong karapatang mag-renew matapos na malabag ang ilang terms and condition ng kanilang prangkisa, ito ang mga pahayag ni Romblon congressman Eleandro Madrona nitong Sabado matapos paburan ang hindi pagbibigay ng panibagong prangkisa sa TV Network Giant.
“As proven during our several hearings, ABS CBN blatantly violated the terms and conditions of their Franchise, hence, to me, they are not anymore entitled to renewal,” ayon sa Facebook post ng Official Facebook account ng kongresista.
Paliwanag nito, ang prangkisa na ibinigay ng batas sa kanila ay hindi karapatan kundi isang pribilehiyo, at napapailalim sa ilang mga term at kundisyon.
“With all due respect to those negative comments, i am sure they would be convinced that i voted correctly had they heard and seen the documented violations of the Franchise by ABS CBN,” pahayag pa ng kongresista.
Sa hiwalay na panayam sa Romblon News Network, sinabi nito na nirerespeto niya ang mga negatibong komento ng mga Romblomanon kaugnay sa kanyang naging pasya.
Naniniwala rin umano siya na kaya siya pinagkakatiwalaan ng maraming mga Romblomanon, dahilan upang muli siyang manalo bilang kongresista, ay ang pagtitiwala sa kanya ng mga ito na paglilingkuran niya ang mga Romblomanon sa abot ng kanyang katalinuhan at kakayahan.
Matatandaang nitong Biyernes, si Madrona at ang 69 pa na mga kongresista ay bumuto pabor sa rekomendasyon ng Committee on Legislative Franchises na huwag bigyan ng panibaong 25-taong prangkisa ang nabanggit na network giant matapos ang 13 na committee hearings.