Nasa proseso na ng procurement ang Provincial Health Office (PHO) ng Romblon para sa pagbili ng anti-venom matapos makatanggap ng mga ulat hinggil sa umano’y pagkakita ng mga king cobra sa ilang lugar sa lalawigan.
Ayon sa PHO, nakatakdang maglaan at magdeliver ngayong buwan ng 10 vials ng anti-venom para sa lalawigan. Ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) umano ang lead facility na nangangasiwa sa allocation ng anti-venom base sa census at pangangailangan ng bawat lugar.
Kasabay nito, pinayuhan ng mga health officials ang publiko na maging maingat at mapagmatyag lalo na sa mga matataas na damuhan, kakahuyan, sakahan, at madidilim na lugar.
Kabilang sa mga lugar na naiulat na may umano’y sightings ng king cobra ay ang Sitio Agtingga sa Barangay Camili at Sitio Luho sa Barangay Bagsik sa Alcantara; Sitio Cabugao sa Barangay Punta, Barangay Balatucan, at Barangay Limon Norte sa Looc; Barangay Progreso Este, Progreso Weste, at Pato-o sa Odiongan; at Barangay Recto sa Ferrol.
Pinaalalahanan din ng PHO ang publiko na huwag tangkaing hulihin o lapitan ang mga ahas at gumamit ng flashlight kapag lumalabas sa gabi.
Pinayuhan ding bantayang mabuti ang mga bata at alagang hayop at agad na ireport sa barangay officials o Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) kung may makikitang ahas sa komunidad.
Samantala, nagbigay rin ng paalala ang mga health officials kung ano ang dapat gawin sakaling may makagat ng ahas.
Ayon sa PHO, mahalagang huwag mag-panic, iwasang galawin nang sobra ang nakagat na bahagi ng katawan, at huwag laslasin o higupan ang sugat. Dapat ding dalhin agad ang pasyente sa pinakamalapit na ospital o health facility upang mabigyan ng agarang lunas.



































Discussion about this post