Magsasagawa ng serye ng Passport on Wheels (POW) activities ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa iba’t ibang bayan ng Romblon ngayong Hunyo upang mailapit sa mga residente ang pagkuha at pagre-renew ng pasaporte.
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon, target ng programa na mapadali ang passport processing nang hindi na kinakailangang bumiyahe ng malayo ang mga aplikante.
Ayon sa anunsyo ng Romblon Provincial Information Office, magsisimula ang online pre-registration para sa Odiongan leg sa Mayo 12 at ipatutupad ito sa “first come, first served” basis.
Nakatakdang idaos ang Passport on Wheels sa Looc, Romblon sa Hunyo 16. Susundan ito ng San Agustin leg sa Hunyo 17 na gaganapin sa 2nd Floor Convention Hall ng Commercial Complex sa Poblacion, San Agustin.
Samantala, isasagawa naman ang Odiongan leg sa Hunyo 18 hanggang 19 sa Old Provincial Government Tablas Sub-Office, katapat ng DPWH at katabi ng IFI Church sa bayan ng Odiongan.
Ayon sa DFA, layunin ng programa na gawing mas accessible ang passport services para sa mga residente ng lalawigan, lalo na sa mga nahihirapang bumiyahe patungo sa mga regular na passport processing centers.
Hinikayat naman ang publiko na bantayan ang official Facebook page ng Romblon Provincial Information Office para sa kumpletong detalye ng registration, requirements, at iba pang anunsyo kaugnay ng programa.



































Discussion about this post