Sa pagsisimula ng panunungkulan ng mga bagong halal na opisyal ng lalawigan ng Romblon ngayong ika-30 ng Hunyo 2025, isang panibagong kabanata ang muling nabubuksan para sa ating lalawigan. Mula sa Gobernador, Bise Gobernador, Kongresista, hanggang sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at mga alkalde—lahat ay may dalang bagong mandato, bagong pangarap, at bagong pananagutan.
Nakasentro ngayon ang atensyon sa pamahalaang panlalawigan, sapagkat ito ang pangunahing tagapagsulong ng mga programa’t serbisyong direktang nakakaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga Romblomanon. Ang liderato ni Gobernadora Trina Firmalo-Fabic, katuwang si Bise Gobernador Armando ‘Arming’ Gutierrez at ang buong Sangguniang Panlalawigan, ang magtatakda ng direksyon ng pamahalaan sa susunod na tatlong taon.
Kasama rin sa mahalagang haligi ng lokal na pamumuno si Congressman Eleandro Jesus “Budoy” Madrona, na may malaking papel sa pagdadala ng mga pambansang programa, imprastruktura, at pondo patungong Romblon. Ang kanyang ipinahayag na suporta sa administrasyong Firmalo-Fabic ay nagbibigay ng pag-asa ng mas matatag na ugnayan sa pagitan ng lokal at pambansang pamahalaan.
Gayunpaman, gaya ng anumang pangakong pulitikal, ang pagsuporta ay kailangang patunayan sa konkretong aksyon at tuluy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa mga pangangailangan ng probinsya.
Hindi rin lingid sa kaalaman ng marami na maaaring may umiiral pa ring tensyon sa pulitika—lalo na’t ang ilan sa mga kasapi ng sanggunian ay kaalyado ni dating Gobernador Otik Riano na kalaban ni Firmalo-Fabic nitong nakaraang eleksyon. Sa ganitong kalagayan, mahalagang maisantabi ang personal at partidong interes, at unahin ang kapakanan ng buong lalawigan. Ang sinseridad ng pagpapahayag ng pagkakaisa ay masusubok hindi sa mga salita, kundi sa gawa.
Mahalaga rin ang transparency, pakikilahok ng mamamayan, at responsableng paggamit ng pondo ng bayan. Dapat tiyakin ng pamahalaang panlalawigan na ang bawat proyekto ay makabuluhan, may konsultasyon, at malinaw ang resulta. Ang provincial government ang may pangunahing papel sa pagpaparamdam ng serbisyo sa pinakaliblib na bahagi ng ating mga isla—mula sa edukasyon, kalusugan, agrikultura, hanggang sa pangangalaga ng kalikasan at kaligtasan sa sakuna.
Ngunit ang tagumpay ng anumang liderato ay hindi lamang nakasalalay sa galing ng gobernador o ng kongresista. Nasa mamamayan din ang mahalagang papel. Hindi natatapos sa pagboto ang ating tungkulin. Kailangang manatiling mapagmasid, mapanuri, at handang makialam sa mga usaping may kinalaman sa kabutihang panlahat.
Sa bandang huli, ang Romblon ay hindi uunlad sa mga pangako lamang. Kailangan ito ng matibay na pamumuno, epektibong serbisyo, at aktibong pakikilahok ng mamamayan. Ngayong pormal nang nagsimula ang bagong administrasyon, hindi lang ito panahon ng pag-asa—ito rin ay panahon ng paniningil sa pangako.
Ang panibagong simula ay dapat magbunga ng malalim na pananagutan—sa pamahalaan, sa kinatawan ng bayan sa Kongreso, at sa bawat isang Romblomanong nagnanais ng tunay na pagbabago.
Discussion about this post