Simula ngayong araw ay ipagbabawal na ang pagpasok ng mga turista sa buong lalawigan ng Romblon bilang pag-iingat ng Pamahalaang Panlalawigan sa patuloy na pagkalat ng 2019 novel coronavirus o COVID-19 sa ilang bahagi ng bansa.
Sa isang executive order na pinirmahan ni Governor Jose Riano nitong Biyernes, ipinag-utos ng Gobernador sa mga land, sea, at air transport operators na huwag na pagbilhan ng tickets ang lahat ng ‘non-resident passengers’ sa lahat ng pantalan na may biyahe papasok ng Probinsya.
Ang mga papayagang pumasok ng probinsya ay tanging mga residente ng lalawigan at kinakailangan nilang mag fill-out ng health declaration form na ipapasa nila pagbaba ng pantalan.
Samantala, papayagan naman na makapasok ang ilang non-residents ng probinsya basta sila ay nagtatrabaho rito, ngunit kailangan silang hanapan ng identification card.
Kasama rin sa executive order ang pansamantalang pagpapaptigil sa lahat ng tourism activities sa buong lalawigan para hindi na umano makahikayat ng mga turista.