Hinihikayat ni Ex-officio councilor, Kaila Yap, ang president ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation sa bayan ng Odiongan, ang mga kabataan na magkaroon ng kamalayan patungkol sa mga sensitibong issue katulad ng human immunodeficiency viruses (HIV), acquired immunodeficiency syndrome (AIDS), at ang pagdami ng bilang ng mga kabataang maagang nabubuntis.
Sa naganap na Kapihan sa PIA-Romblon nitong Lunes, February 03, inihayag ni Yap na ang mga nasabing topiko ang isa sa mga programa na tinututukan ng mga Sangguniang Kabataan sa buong bayan ng Odiongan.
Paliwanag ni Yap, ilan sa mga programa na kanilang ginagawa para mapaalalahanan ang mga kabataan ay ang pagkakaroon ng mga information campaigns, seminars, at iba pang forum sa iba’t ibang paaralan sa bayan.
“Kailangan kasi talaga na ma-inform natin sila [mga kabataan] lahat. Katulad sa teenage pregnancy, given na yan, hindi na natin ma-prevent yan kasi nandiyan na, pero siguro we can control it,” ayon sa pahayag ni Yap.
Aniya, maraming kabataan sa lalawigan na nagbubuntis na kahit nag-aaral palang kaya ang nagiging resulta, tumitigil ang mga bata.
Sa hiwalay na panayam ng Romblon News Network kay Yap, sinabi nito na ang mga ganitonbg problema ang nais nilang mabigyan ng solusyon, kung paano mas tuluyang mapababa ang bilang ng mga kabataang maagang nagbubuntis.
Hinihikayat rin ni Yap ang mga kabataan na magpatingin sa HIV treatment hub sa Romblon Provincial Hospital patungkol naman sa HIV at AIDS.
Batay sa taya ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ng DOH-Mimaropa noong Hunyo 2019, aabot na sa 51 katao ang mga nagpositibo sa HIV sa buong lalawigna.