Pinaghahandaan na ng Romblon Provincial Hospital (RPH) ang posibilidad na may pasyenteng dadalhin rito na magpapakita ng mga sintomas ng 2019 novel coronavirus o 2019 nCoV.
Binanggit ito ng kinatawan ng RPH na dumalo sa ginanap na committee hearing ng Committee on Public Health ng Sangguniang Bayan ng Odiongan nitong Biyernes ng hapon.
Ayon kay Aldrin De Villena ng RPH, pinag-aaralan na ng kanilang pamunuan kung paano magkakaroon ng awareness ang lahat ng empleyado ng hospital tungkol sa 2019 nCoV.
“Napagusapan namin nina Dr. Anatalio (Chief of Hospital), kami palang, dito palang sa hospital ay maging aware with limited protective gear, at ‘yung education campaign,” ayon sa paliwanag ni De Villena sa mga konsehal ng Odiongan.
Nakatanggap na rin umano sila ng guidelines mula sa Department of Health patungkol sa pagmonitor nitong virus, at naipamahagi na rin sa lahat ng department ng ospital.
Kung sakali namang magkaroon ng hindi inaasahang sitwasyon sa ospital, ito ay ang pagkakaroon ng mga pasyenteng kailangang i-test kung sila ba ay may 2019 nCoV, inaasahang gagawin ng pamunuan ng RPH ang Enrique T. Ona Hall sa taas ng RPH na isolation room.
“If ever magkaroon kami ng ganito, malamang magkakaroon kami ng proper isolation. Kailangan po ma open namin if ever ‘yung Ona Hall. At with this, magkaroon tayo ng ganito, kailangan rin magkaroon kami ng tent, na nasa labas lang,” dagdag pa ni De Villena.
Hindi umano maiaalis ang posibilidad na makakarating sa lalawigan ang nasabing virus dahil napakalapit umano natin sa Boracay lalo na ang bayan ng San Jose.
Paliwanag ni De Villena, kung sakaling may pasyente sa San Jose na nagpakita ng sintomas ng 2019 nCoV, hindi na umano ito kailangang dalhin ng Romblon Provincial Hospital, kundi doon na siya mismo i-isolate.