Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Cabinet Secretary Karlo Nograles na pamunuan ang Task Force on Zero Hunger ng gobyerno, isang inisyatibong naglalayong supilin ang kagutuman at kamtin ang katiyakan sa pagkain ng bansa.
Inanunsiyo ng Palasyo nitong Huwebes na nilagdaan na ng Pangulo ang Executive Order No. 101, na lumilikha sa Inter-Agency Task Force on Zero Hunger, na pangangasiwaan ng Cabinet Secretary at binubuo ng mga pinuno ng ahensiya at opisina ng gobyernong may kinalaman sa pagpapatupad ng programa kontra gutom.
Ang mga ahensiya na bumubuo sa Task Force ay kinabibilangan ng Department of Social Welfare and Development, Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, Department of Education, Department of Environment and Natural Resources, Department of Health, Department of Labor and Employment, Department of the Interior and Local Government, Department of Trade and Industry, Department of Science and Technology, Presidential Communications Operations Office, National Economic and Development Authority, at Commission on Higher Education.
“Ang pagbuo nitong Task Force ay sumasalamin sa panata ng gobyerno upang pagtuunan ng pansin ang kagutuman at kakulangan sa pagkain sa ating bansa,” pahayag ni Nograles, na kasalukuyan ding pinamumunuan ang Task Force Yolanda at co-chair ng Inter-Cabinet Cluster Mechanism on Normalization for BARMM.
Binigyang punto ng opisyal ng Palasyo na “sa survey na isinagawa noong unang quarter ng 2019 ay napag-alamang 9.5% o tinatayang 2.3 milyong pamilya ang nakararanas ng gutom kalimitan isang beses sa loob ng nakalipas na tatlong buwan ng nasabing taon.”
“Ang patuloy na gutom, kapag hindi natugunan, ito ay hahantong sa kawalang nutrisyon, pagkakasakit at, sa kalaunan ay, kawalan ng silbi sa trabaho – na magiging sanhi ng negatibong epekto sa ekonomiya,” paliwanag nito.
“Ika nga, hindi lang ang nakakaranas ng gutom ang makararanas nito kundi maging ang buong bansa ay apektado nito. Nais ng pangulo na makahanap ng paraan upang matiyak na wala nang Pilipinong lalaki, babae, o batang makakaranas ng gutom. Ang tangi naming layunin ay supilin ang kagutuman, para ganap na masabi nating #GoodbyeGutom,” pagbibigay diin ng dating mambabatas mula sa Mindanao.
Alinsunod sa EO No. 101, ang Task Force ay mayroong mandato “na tiyaking ang mga patakaran o polisiya ng gobyerno, mga inisyatibo at proyekto sa pagkamit ng zero hunger ay dapat maayos, mabilis na tumutugon at epektibo.”
Ang kapangyarihan at tungkulin ng Task Force ay magbalangkas ng national food policy na magsisilbing roadmap ng gobyerno upang malutas ang kagutuman; makipag-ugnayan at maisaayos ang mga isinusulong na programa ngmga ahensya para matiyak na maipatutupad ang isang whole-of-government approach sa pagkamit ng zero hunger; at subaybayan at suriin ang mga isinusulong na hakbang ng gobyerno para lutasin ang gutom at makamtan ang seguridad sa pagkain.
Naatasan rin ang task force na bumuo ng isang technical working group na kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa mga kasaping ahensya upang matugunan ang mga problema patungkol sa gutom at maghanda at magsumite ng taunang ulat sa Pangulo hinggil sa kalagayan ng kagutuman, katiyakan sa pagkain, nutrisyon, at agricultural production ng bansa.