Bukod sa mga teritoryo natin sa West Philippine Sea na sinakop na ng China, may tatlong isla pa mga tsong na talagang nasa Pilipinas na ang posibleng “masakop” din ng mga Chinese—hindi sa pamamagitan ng pagtatayo ng artificial island, kung hindi sa pamamagitan ng pera.
Pero bago ‘yan, inulan na naman tayo ng mga hinaing ng mga tsokaran natin na abot-langit ang ngitngit dahil sa trapik sa EDSA bunga ng mahigpit na pagpapatupad sa “yellow lane” policy sa mga bus. Kung tutuusin, hindi naman natin lubos na masisi ang Metro Manila Development Authority sa nangyari dahil gusto lang nilang hanapan ng solusyon ang problema sa trapik.
Iyon nga lang, sa halip na mapaluwag, aba’y lalo pang nagkahetot-hetot ang trapik lalo na noong Martes, na unang araw na implementasyon ng kanilang eksperimento. Tanong ng isang kurimaw na bumaba na lang sa bus at nag-MRT pero pumila naman ng ilang oras, matatawag daw bang “failed experiment” ang ginawa ng MMDA?
Ang paliwanag ng MMDA, hindi raw kasi nawalis sa EDSA ang mga provincial bus na kasama dapat sa kanilang plano. Pero dahil naglabas ng TRO ang korte na pumigil sa implementasyon sa pagbabawal sa mga provincial bus na dumaan sa EDSA, ayun na nga ang nangyari. Sa isang banda kung susuriin ang mga lumabas na footage sa EDSA, aba’y lumuwag nga ang nasa dalawa hanggang tatlong linya na daanan ng mga pribadong sasakyan.
Pero ang dalawang linya ng yellow lane, nagmistulang parking lot ng mga bus. Ang tanong—bakit tila hindi umuusad ang daloy ng mga bus at nagkatrapik pa rin? Ang isang dahilan daw, sobrang dami ng bus at nababarahan nila ang mga sasakyan na papasok at lalabas ng mga secondary lane.
Siguro kung bibigyan pa ng ilang araw ang eksperimentong ito ng MMDA, baka umayos din ang lahat. Pero sana eh magtakda sila ng araw o oras na ‘di mapeperwisyo ang maraming tao.
Pag-aralan din kung ilang linya lang sa EDSA ang dapat ilaan sa mga pribadong sasakyan na tuloy-tuloy naman ang takbo; lagyan ng bakod ang mga bus para hindi lumabas ng yellow lane; maglagay muli ng designated areas sa EDSA kung saan nakatoka ang bawat bus para magbaba at magsakay ng pasahero [pero bawal dapat maghintay]; at maglagay ng markings sa bawat kanto [na papasukan at lalabasan ng mga sasakyan] na hindi dapat harangan ng mga bus.
Higit sa lahat, dapat apurahin ng MRT-3 ang pagsasaayos ng kanilang serbisyo dahil sila talaga ang alternatibong sasakyan ng lahat ng lahat—pasahero man o kahit ng mga may sariling sasakyan.
Balik na tayo sa tatlong isla. Nag-alarma kasi ang Navy sa posibilidad ng banta sa seguridad ng bansa ang planong ipaubaya sa mga Chinese businessmen ang Grande at Chiquita islands sa Subic Bay, at Fuga island sa Babuyan, para daw i-develop at gawing tourist attraction at resort.
Sensitibo raw ang posisyon ng mga naturang isla at magiging malaking bentahe sa China kapag napasakamay nila. Siguro eh may tsokaran tayo na magtataka, “bakit magiging peligroso kung pang turismo lang naman at nasa Pilipinas pa rin naman?”
Kapag ipinaubaya na ng pamahalaan sa Chinese ang mga isla, mahirap nang imonitor mga tsong kung ano ang mga puwede nilang gawin dito at ilagay. Isa pa, sa pinaggagawa nila sa West Philippine Sea na ginawa na nilang military base sakabila ng mga pinatalsik nilang laway na hindi militarization na mangyayari sa lugar, aba’y dapat mo pa ba silang paniwalaan?
Oo nga’t tiyak na kikita nang malaki ang gobyerno at pati na magiging “broker” sa pagkuha ng Chinese businessmen sa tatlong isla, pero handa ba silang isugal ang seguridad ng bansa kung sakaling tama ang pangamba na malalagay sa peligro ang Pilipinas kapag nawala ang mga ito sa paningin natin?
Ngayon pa nga lang eh ikinababahala na ang patuloy na pagdami ng mga Chinese na nasa Pilipinas, na hindi mo malaman kung talagang turista, negosyante o manggagawa, aba’y bibigyan mo pa ba sila ng teritoryo sa loob mismo ng ating bansa? Kung yes ang sagot, aba’y eh di Wow!
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)