Lalo pang dumami ang mga Pinoy na hindi nagtitiwala sa China kahit anong benta at depensa ang gawin para sa kanila ng kasalukuyang administrasyon.
Pero bago ‘yan, samahan natin sa pagluluksa ang mga tsokaran natin na hindi naniniwala na may forever sa pag-ibig pero naniniwala ng may forever sa endo [end contract]. Sabi ng isa nating kurimaw, para siyang pinagtaksilan ng syota sa ginawang pag-veto o pagbasura ng Palasyo sa ‘Security of Tenure and End of Endo Act of 2018’ na pinagtibay na ng Kongreso.
Para kasi maging ganap na batas ang mga panukala na inaaprubahan ng Kongreso [Senado at Kamara de Representantes], kailangan itong pirmahan ng pangulo. Pero kapag na-veto ito, ibig sabihin eh dedbol na ang panukala at nasayang lang ang ginawang pagtalakay dito ng mga senador at kongresista.
Kahit nga ang mga kaalyadong senador ng administrasyon tulad ni Senate President Tito Sotto eh nalungkot sa kinahinatnan ng panukala. Ang masaklap kasi nito mga tsong, bukod sa kasama ito sa mga ipinangakong isusulong ng administrasyon, aba’y sinertipikahan pa ng Palasyo na “urgent bill” ang naturang panukala.
Kaya naman talagang pinagtuunan ng lubos na pansin ng mga mambabatas ang pagbuo nito. Iyon nga lang, dahil nangangamba raw ang gobyerno na baka may mga negosyong magsasara kapag naging batas ang panukala, ayon, dinedbol.
Pero pangako ng mga mambabatas, ihahain daw nila muli ang panukala. Ngunit payo ng ating kurimaw, huwag na uling umaasa na magiging batas ito para hindi lubos na masaktan gaya ng mga syotang mahilig magpaasa. Kasabihan nga ng mga pulpol na pulitiko, “ok nang pangakuan ka, abuso na kapag tinupad pa.”
Tungkol naman sa China, lumitaw sa huling survey ng Pulse Asia na 74 percent ng mga Pinoy ang walang tiwala sa kanila, batay sa survey na ginawa nitong katapusan ng Hunyo. Mas mataas ito ng 14 percent kumpara sa survey na ginawa noong December.
Lumilitaw na hindi nalilipat sa China ang tiwala ng mga Pinoy kay President Mayor Digong Duterte kahit pa paulit-ulit na sinasabi ng gobyerno na “friends” natin sila. Katunayan nga daw ay malaking pondo ang ipinapautang nila sa Pilipinas, at malaki ang naitutulong nila sa turismo ng bansa.
Iyon nga lang, lumilitaw sa maraming umpukan at balitaktakan sa social media na kahit sa pagpapautang walang tiwala ang maraming Pinoy sa kanila. Bunga kasi ito ng pangamba na baka pain o patibong ang pagpapautang para makamkam nila ang yaman ng Pilipinas. Yun bang papautangin ka ng pagkarami-rami hanggang sa hindi ka na makabayad at ang yaman o ari-arian ng Pilipinas ang kanilang kukunin. Pero siyempre, itinanggi naman ng mga opisyal ng gobyerno ang naturang mga pangamba.
Pagdating sa dumadaming bilang ng mga Chinese na nasa Pilipinas, aba’y marami rin ang nangangamba, maging si National Security Adviser Hermogenes Esperon. Sa dami nga naman nila na daang-libu ang bilang, at maaaring umabot pa ng milyon, hindi mo na malalaman kung sino ang mga turista, mga lehitimong nagtatrabaho, o baka naman mga espiya o nag-aabang sa kung anong dapat nilang abangan.
Katunayan, tila nagiging playground na rin mga tsong mga tolongges na Chinese ang Pilipinas na konektado sa mga sugal, partikular sa casino. Dumadami na kasi ang insidente ng mga Chinese na “kinikidnap” ng mga kapwa nila Chinese para ipatubos sa mga pamilya nila sa China.
Ang madalas na nangyayari, pauutangin ng sindikatong nagpapautang sa casino ang kanilang kababayan. Kapag hindi nakabayad, doon na dudukutin at ipatutubos. Aba’y mabuti sana kung hanggang sa pera lang ang usapan at walang patayan; at wala sanang Pinoy na madamay sa kalokohan nila.
Pero kung talagang nais ng China na makuha nila ang tiwala ng mga Pinoy at ituring silang friends, umalis sila sa mga lugar na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea, at ideklara nilang “peace zone” at kahit pa “fish zone” o pangisdaan ang mga lugar na pinag-aagawan ng maraming bansa sa South China Sea. Kayo mga tsong, anong maipapayo nyo sa China?
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)