Gaya ng husay nila sa bilis sa paggawa ng mga pekeng isla sa West Philippine Sea, aba’y tila niratsada rin ng China ang imbestigasyon nila sa ginawang pananagasa ng mga kababayan nilang mangingisda sa bangka naman ng 22 mangingisdang Pinoy at pagkatapos ay iniwan pa nilang palutang-lutang sa Recto Bank.
Isang araw lang matapos lumabas ang mga ulat sa pagtiyak ng Chinese officials na “masusi” raw nilang iimbestigahan ang insidente, aba’y nakapaglabas na agad sila ng pahayag. At kinumpirma nga nila na barko ng mga kababayan nila ang “nang-hit-and-run” sa mga kawawang mangingisdang Pinoy.
Ang matindi, sa bersyon na ipinalabas ng China batay daw sa kuwento ng kanilang mga kababayang nasangkot sa insidente, aba’y sila pa ang naagrabyado at mga Pinoy pa ang may kasalanan. Tila raw kasi nais silang kuyugin ng mga grupo ng mga mangingisdang Pinoy na sakay ng mga bangka kaya silang humarurot.
Sa kanila raw na pag-alis, sumabit sa kanila ang bangka ng mga Pinoy at lumubog. But wait there’s more nga tsong, hindi rin daw nila basta iniwan ang mga Pinoy. Umalis lang daw sila sa takot na kuyugin silang muli ng mga Pinoy at nakita raw nilang may sumaklolo na sa mga ito.
Ang nakapagtataka, inilabas ng China ang bersiyon ng kanilang mga kababayan, ilang oras lang matapos makabalik na sa lupa ang mga kawawang mangingisdang Pinoy at inilahad nila ang nangyari. Ang bersiyon ng mga naagrabyadong Pinoy, nagpapahinga na sila dahil hatinggabi na para maghanda sa biyahe kinabukasan nang basta ba lang sila binangga banggain sila ng mga Tsino.
Tiyak daw sila na Tsino ang mga ito dahil sa palatandaan ng mga ilaw na gamit ng mga mangingisda na gamit ng bawat bansa na nandoon. Ang matindi, bumalik daw ang mga Tsino nang nakalubog na sila sa dagat, inilawan sila, at saka tuluyang umalis.
Papaano sila nakaligtas? Sa dilim ng gabi, nakaaninag sila ng ilaw ng bangka at pinagsagwan nila ang ilan nilang kasama papunta sa ilaw. Pagkaraan ng napakahabang pagsasagwan, doon na nila nalaman na bangka ng mga Vietnamese ang kanilang napuntahan at hiningan nila ng tulong. Pagkatapos nila, pinuntahan na nila ang iba pa nilang kasamahan na nakalubog sa dagat.
Gamit ang komunikasyon ng mga Vietnamese, nakatawag ang mga Pinoy sa kanilang mga kaanak at doon na pumasok sa eksena ang mga Navy para kunin sila. Hindi kaagad nakarating sa mga awtoridad ang insidente dahil nasa tatlong araw ang layo ng paglalakbay sa Recto Bank.
Ngayon ang tanong ng ating kurimaw na takot sumakay sa bangka, kaninong bersiyon ang paniniwalaan? At alin ang higit na kapani-paniwala?
Ang nakakabuwisit lang, matapos magbigay ng mga unang pahayag ang ating mga opisyal na nagkokondena sa ginawa ng mga mangingisdang Tsino, aba’y kinabukasan eh may himig na sila ng padududa kung mga Chinese nga ang nanagasa sa mga Pinoy? Bakit kaya? Keso mga mangingisdang Pinoy lang daw kasi ang nagsabi na mga Tsino nga ang nakabangga sa kanila, at dapat daw hintayin muna ang imbestigasyon. Pero ngayon umamin na ang China, paano na?
May mga naghihinala na baka hindi karaniwang mangingisda ang nang-hit-and-run sa mga Pinoy, kundi mga napapabalitang Chinese militia na nagpapanggap na mga mangingisda. Kung hindi kaagad umamin ang China, baka isipin pa nga ng iba na posibleng may nais manabotahe lang sa pagiging BFF ngayon ng China at Pinas. Subalit ngayon, lumitaw na ang dalawang bersyon ng “katotohanan.”
Hula ng ating kurimaw na magiging ending ng usaping ito, kahit “hindi kasalanan” ng mga Tsino ang pangyayari, magbibigay ng “goodwill” ang China sa mga mangingisdang Pinoy para ika nga eh “bygones be bygones.” Ngunit kung tutuusin, hindi dapat humingi ng kompensasyon ang Pilipinas sa China dahil lalo lang magmumukhang kawawa ang mga Pinoy.
Iisipin ng mga ito na puwede palang banggain ang mga Pinoy at bayaran na lang. Para bang SUV na nanagasa ng mahirap pero hindi na maghahabla ang biktima kasi pumayag ang pamilya nito na makipag-areglo na lang at sasagutin nila ang palibing sa kaniya.
Hindi ba mas mabuti kung tutulungan na lang ng gobyerno o ng mga mayayaman ang mga biktimang mangingisda na sagutin ang nawala nilang kita sa natapong mga nahuli nilang isda. Kasabay nito ay tulungan din silang maipagawa nang mabilis ang kanilang bangka para makabalik agad sila sa laot. Gaya ni Willie Revillame na puwedeng sumigaw na “bigyan ng jacket ‘yang mga mangingisda!,” at sabay hatag pa nang malakas na “sampung libo!” Ang mga nanalong senador, baka may natirang campaign funds na puwede nilang idonate sa mga mangingisda?
Siguro kung campaign period pa ngayon, baka na mag-uunahan pa ang mga kandidato na magbigay ng tulong sa kanila with photo-ops.
Pero sa totoo lang, sa ganitong paraan, maipakikita ng gobyerno ng Pilipinas at mga kababayan natin ang mensaheng dapat nating iparating sa China at sa mga kababayan nilang mangingisda. Tutal mukhang hindi rin naman tatanggapin ng China ang bersyon ng mga Pinoy lalo na kung totoong “militia” ang nanagasa sa mga kababayan natin.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)