Dahil sa kapos na bilang ng mga hotels sa probinsya tuwing may malalaking event katulad nalang ng ipinagdiriwang ngayon sa Odiongan na Kanidugan Festival 2019, prinomote ni Romblon Governor Eduardo Firmalo ang ‘homestay tourism’.
Ito ay isang estilo ng pagtanggap ng mga lokals sa mga bisita na sa halip na sa hotel tutuloy, sa bahay ng mga lokals sila didiretso maranasan nila ang mas magandang pakikitungo ng mga Romblomanon.
Sa talumpati ni Firmalo sa coronation night ng Miss Odiongan 2019 nitong Huwebes ng gabi, sinabi nito na ang homestay ay maganda sa mga lugar na kulang ang hotel rooms.
“Pwede po sila mag stay sa mga bahay at mag-host ang mga families, kaya importante na i-improve natin ang isang kwarto at comfort room para sa ating mga bisita,” ayon kay Firmalo.
Sa Odiongan dapat umanong maranasan ng mga bisita na makatikim ng ‘ginatang langka’ at ‘pinangat’ bago umalis na lalawigan.
Ang homestay tourism ay malaking tulong sa mga turista para mas makilala pa nila ang bayan na kanilang pinapasyalan dahil walang iba pang may alam sa lugar ng Romblon kundi ang mga residente nito.
Noong nakaraang taon aabot sa halos 150,000 tourists ang bumisita sa lalawigan ng Romblon buong taon, base sa numero ng turista na bumisita sa mga tourist spots na binabantayan ng Provincial Tourism Office.