Patuloy na magbibigay ng serbisyo publiko at maghahatid ng mga makabuluhang balita ang Romblon News Network sa panibagong taon nito sa pamamahayag.
Ito ang pahayag ni Romblon News Network Senior Correspondent, Paul Jaysent Fos, kaugnay sa 6th year anniversary ng nag-iisang online na pahayagan sa lalawigan ng Romblon.
“Asahan po ninyo na ang RNN ay patuloy na babantayan ang mga taga-Gobyerno, ibabalita ang magaganda nilang nagawa, at magbabantay sa mga kalye ng Romblon para ibalita ang mga pinakabagong kaganapan sa loob ng probinsya,” ayon kay Fos.
Nagpasalamat rin ito sa mga followers ng RNN na nasa ibang bansa dahil nagbibigay umano sila ng inspirasyon sa mga reporters ng pahayagan na maghanap ng balita para may mabasa sila kaugnay sa lalawigan.
Aniya, magandang malaman na nawawala ang lungkot ng mga kababayan natin abroad at tila nasa Pilipinas lang sila dahil nababasa at nakikita nila ang nangyayari sa probinsya kahit nasa malayo sila.
Asahan rin umano ang malalaking coverage ng Romblon News Network sa mga susunod na buwan, at taon katulad nalang ng National at Local Elections 2019, at ang gaganaping STRASUC Olympics sa Odiongan.
Sundan rin ang Romblon News Network (RNN) sa aming Facebook, Twitter, at Instagram Account.