Sa pagkakaaresto ni Maria Ressa, ang bossing ng news website na Rappler, ang tagapagbalita naging laman na naman ng balita.
Sa ibang news organization, isa sa mga madalas na bilin ng pamunuan ng kompanya sa kanilang mga tauhan [partikular sa mga field reporter], kumuha ng balita at huwag maging laman ng balita. Ibig sabihin, dapat maging maingat sa mga ibinabalita at hindi makasagabal kung mayroon man mga operasyon man na ginagawa ang mga awtoridad.
Halimbawa sa hostage incident, kahit taga-media ka, huwag kang papapel na negosyador at ipaubaya iyon sa mga kinauukulan. Kasi kung sumablay ang negosasyon, sa reporter ang sisi at damay ang kaniyang kompanya. Kung mamalasin pa si reporter, baka matepok siya.
Sa kaso ng Rappler, naging laman na naman ito ng mga balita at pinag-usapan sa social media nang arestuhin si Ressa ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa kanilang tanggapan. Ang kaso, cyberlibel na isinampa ng isang negosyante dahil sa isang artikulo na inilathala nila sa website noong 2012.
Hindi ito ang unang pagkakataon na naging laman ng balita ang Rappler at si Ressa. May kinakaharap din silang kaso tungkol sa 2015 tax return ng kompanya at umano’y pagkakaroon nila ng dayuhang financial sa kompanya na ipinagbabawal sa batas. Bukod pa rito ang hindi na mabilang na banat sa kanila ni President Mayor Digong Duterte dahil sa umano’y paglalabas ng mga hindi totoong balita.
Kung libreng publisidad ang pag-uusapan, aba’y winner na winner ang Rappler dahil mantakin mong kahit ang ibang news agencies [pati kakompitensiya nila sa online news] eh nagagamit ang istorya nila. Kaya nga hirit ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mukha nai-enjoy ni Ressa ang publisidad.
Dahil batikan na sa media, magaganda ang mga binibitiwang linya ni Ressa nang arestuhin siya at makapagpiyansa na puwedeng pang-speech. Gaya ng, “We will not duck, we will not hide, we will hold the line.” Merong pang, “This is not just about me, and it is not just about Rappler. The message the government is sending is very clear and someone actually told our reporter this: be silent.”
Pero may basehan ba na sabihin talaga na ang nangyayari sa Rappler at pag-aresto kay Ressa eh taktika ng administrasyong Duterte na manakot at panimula para gipitin ang malayang pamamahayag? Kasi kung tutuusin mga tsong, maraming miyembro ng media ang nadedemanda ng libel kahit pa ang mga nasa probinsiya. Iyon nga lang, hindi naibabalita dahil hindi naman nila ipinagkakalat.
Sa totoo lang, mas gusto ng mga mamamahayag na makasuhan ng libel kaysa ma-riding in tandem. Sa demanda, may pagkakataon kang idepensa ang sarili mo sa korte. Pero kapag nadali ka ng riding in tandem, sa sementeryo ang bagsak mo.
Katunayan may biru-biruan din sa media na hindi ka ganap na mamamahayag hanggat hindi ka nala-libel. Kaya si Ressa, aba’y ganap na ganap na siguro ang pagiging taga-media niya.
Ang isa pang dahilan kaya hindi rin masyadong naibabalita ang iba pang mamamahayag na nakakasuhan ng libel, aba’y nakakapagpiyansa na agad sila bago pa man maisilbi ang warrant of arrest. Mapalad pa nga si Ressa dahil wala siguro siyang hirap na malikom ang pampiyansa niya. Ang mga maliliit na mamamahayag, mangungutang pa para makapagpagpiyansa.
Tanong tuloy ng ating kurimaw na pangarap noon na maging mediaman, bakit hindi raw nakapagpiyansa kaagad si Ressa bago pa maisilbi ang warrant sa kanilang opisina? Aba’y kung mahusay nga naman talaga ang kanilang kompanya sa pagkuha ng sources ng balita, dapat daw eh nakakuha na sila ng “tip” na may korte na nag-isyu ng warrant laban sa kaniya para makapagpiyansa agad sila.
Kung hindi natunugan ng kanilang reporter o stringer sa Department of Justice o sa “courts” na may arrest warrant pala ang kanilang “boss”, aba’y dapat sigurong masabon kung sino man iyon. Liban na lang kung talagang sadyang ayaw nilang unahan ang piyansa dahil gusto talaga nilang isilbi ang warrant sa opisina, arestuhin doon si Ressa, at makapagpalipas siya ng Valentine sa NBI “detention” cell para makakuha ng libreng news “coverage.” Ganun nga kaya?
Kung hindi natunugan agad ng reporter o stringer ng Rappler sa Department of Justice o sa “courts” na may arrest warrant pala ang kanilang boss na si Maria Ressa, aba’y dapat sigurong masabon kung sino man iyon.
Liban na lang kung talagang sadyang ayaw nilang unahan ang piyansa dahil gusto talaga nilang isilbi ang warrant sa opisina, arestuhin doon si Ressa, at makapagpalipas siya ng Valentine sa NBI “detention” cell para makakuha ng libreng news “coverage.” Ganun nga kaya ‘yon?
Kung tutuusin, hindi maganda ang timing ng NBI nang arestuhin nila si Maria Ressa, bossing ng Rappler, sa tanggapan nito para isilbi ang warrant sa isang kaso kung kailan patapos na ang opisina at hindi na siya makakahabol ng piyansa sa korte.
Pero kung hindi naman, aba’y masasabing hindi maganda ang ginawa ng NBI kay Ressa na itinaon ang pagsisilbi ng warrant kung kailan patapos na ang opisina at hindi na siya makakahabol ng piyansa sa korte.
Sa totoo lang, hindi na bago ang ganitong taktika ng mga awtoridad para manggipit ng aarestuhin. Ang iba pa nga, itinataon ang pag-iisyu ng warrant sa Biyernes ng hapon para buong weekend nasa kulungan ang aarestuhin. Ang iba namang kinakasuhan eh sa probinsiya isinasampa ang demanda para pagurin at pagastusin sa pagbiyahe ang kawawang akusado.
Sa tanong kung banta ba sa press freedom ang nagyayari sa Rappler, ibabalik natin ang tanong mga tsong, ang Rappler ba ang kumakatawan o simbulo ng press freedom sa bansa? Sa pagkakaalam natin, marami pa ring pahayagan na malayang nakakapaglathala, marami pa rin broadcast media ang umeere, at hindi lang naman ang Rappler ang online news website.
Kung pagbabatayan ang ginawa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos nang kontrolin at talagang sikilin niya ang media noong panahon ng martial law, talagang isinara at mga pahayagan at mga broadcast station. Sa ngayon naman eh wala pa namang naipapasara kahit isang kompanya. Marami pa rin tayong nababasa at napapanood na mga kritikal na komento laban sa administrasyong Duterte.
Bagaman ilang beses nating nadinig si Duterte na bumanat sa ilang mamamahayag, aba’y sinasabi ng kaniyang mga opisyal na style niya talaga ‘yon. Bukod doon, sa totoo lang naman, nababanatan din naman siya ng media kaya “it’s a tie” ika nga.
Pero kapag nakasagap na tayo ng impormasyon na magdedeklara ng martial law sa buong bansa at may nilulutong executive order ang pangulo para i-sequester at i-take over ang mga media outfit, iyon na talaga ang oras na masasabing tagilid ang press freedom. Dahil malamang na posibleng kasunod niya niyan pag-aresto sa mga mamamahayag na kritikal sa administrasyon.
Ngunit sa totoo lang, marami rin ang nakapansin mga tsong na tila hindi ganoong katindi ang simpatyang nakukuha ng Rappler mula sa publiko at maging sa ibang media organization. Katunayan, may mga artikulo at maging komento na hindi pabor sa kanila.
Nakailang ulit na nga bang nagkaroon mga panawagan ng “protesta” para ipaglaban at protektahan ang malayang pamamahayag pero bakit parang kulang yata sa “init.”
Dahil ba sa ang ginagamit na tila “poster boy” sa isyu eh ang Rappler? Dahil ba sa tingin ng marami eh wala namang banta talaga sa press freedom? Dahil kaya sa marami ang bilib lang talaga kay President Mayor Digong? O baka naman talagang marami sa ngayon ang walang pakialam at busy sa social media? Ano sa tingin niyo mga tsong?
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)