Ipinag-utos ni Romblon Governor Eduardo Firmalo na lagyan ng measles fast lane ang Romblon Provincial Hospital (RPH) upang mas mabigyan ng pansin ng ospital ang mga pasyenteng makikitaan ng sintomas ng measles o tigdas.
Kasunod ito ng rekomendasyon ng Department of Health – Romblon sa isinagawang Kapihan sa PIA-Romblon nitong Lunes kung saan napag-usapan ang pagdami ng kaso ng tigdas sa NCR at mga posibleng epekto nito sa MIMAROPA Region.
Sinabi ni Ralph Falculan ng DOH-Romblon na kailangan na umano na magkaroon ng measles fast lane sa RPH upang masiguro na sakaling magkaroon ng tigdas outbreak sa lalawigan ay nakahanda ang provincial hospital para matugunan ang pagdagsa ng mga pasyente ng tigdas.
Ayon kay Falculan, ang bayan ng Looc ay may 3 pasyenteng pinaghihinalaang may tigdas, habang may isa naman sa Odiongan, Santa Fe, Santa Maria, Alcantara, at San Fernando.
Matatandaan na laganap ang tigdas partikular sa National Capital Region at ibang bahagi ng Northern Luzon dahil karamihan sa mga tinamaan ay walang bakuna kontra tigdas.
Related Stories: DOH-Romblon, binabantayan ang 8 pasyenteng pinaghihinalaang may Tigdas; Magpabakuna kontra Tigdas — DOH-Romblon