Sabi ng mga millennials ngayon, ‘walang forever’ daw. Mali po sila, dahil tila ‘may forever’ pagdating sa presyo ng kopra. Biruin mo nga naman, sa ngayon PhP12 per kilo pa rin ang kilo, o mas mababa pa. Aba, bata pa lang ako halos ganyan na ang presyo, umaabot pa nga sa PhP14 per kilo ang presyo noong nakaraan pang dalawang dekada.
Panawagan ng mga magniniyog na itaas ang presyo ng kopra
Marami-rami na po ang nagpapadala sa atin ng mensahe na ipaabot sa kinauukulan ang ‘may forever’ na mababang presyo ng copra na ito. Dapat lang talaga na kulitin natin ang mga kinauukulan na tingnan at aksyunan naman ang mababang presyong ito. Tila napag-iwanan na ata ang mga magniniyog dahil lahat ng bilihin e tumaas na, pero ang produkto nilang kopra ay nakapako sa presyong base pa ata sa panahon ni kupong-kupong.
Buwis-buhay ang magkopra
Buwis-buhay ang trabahong ito. Naranasan ko mismo ito noong kabataan ko sa lugar namin sa Brgy. Mayha (Sito Tabok), may mga less than a hundred na puno ng niyog kami doon na kahit papaano ay kinokopra. Sobrang delikado umakyat sa puno lalo na kung madulas o kaya ay mahangin at mataas na ang puno.
Tulong ng Pamahalaan
Kung tutuusin, hindi nagpapabaya ang mga taga Philippine Coconut Authority (PCA) sa mga magsasaka sa pagbibigay ng mga pagsasanay at mga pataba. Yun nga lang, pagdating sa post-harvest na facility tulad nyang presyo, o kaya magandang merkado para sa mga copra producers, ay tila di natin masyadong alam o nakikita.
Kompromiso na ang magniniyog
Ang isang dahilan kung bakit hindi maidikta ng mga magko-copra ang presyo ng copra nila ay dahil sa kompromiso na sila. Meaning, nangutang o bumale na kasi ito sa tagabili ng kopra na ang inaasahang pambayad ay kapag benenta na ang kopra. Kaya tuloy, kahit pa mura ang presyo per kilo, napapasubo na sila, ‘ika nga wala ng choice.
Kilusang kooperatiba
Noon pa man, hinihikayat na ang mga magniniyog na bumuo ng kanilang kooperatiba. Isa sana ito sa magandang paraan upang masolusyunan ang kanilang problema sa merkado ng kopra, dahil maaaring ang kanilang kooperatiba na ang direktang mamili ng kopra sa mas magandang presyo at direktang ipasa ito sa mga namimili halimbawa sa Lucena. Pero bakit nga ba tila walang nangyari sa inaasahang pagbubuo ng kooperatiba ng mga magniniyog?
Haayyss.. ‘may forever’ nga sa mababang presyo ng kopra na yan. Sana maaksyunan naman ito ng mga kinauukulan.