Dumaong sa isla ng Romblon nitong nakaraang araw ang ang luxury cruise ship na MS Silver Muse na may 350 pasaherong turista at 417 na mga crew.
Ito ang ikapitong cruise ship na bumisita sa lalawigan ng Romblon at ika-apat naman na cruise ship na bumisita ng Romblon Island ngayong taon.
Sinabi ni Kim Anthony Faderon ng Romblon Provincial Tourism Office na ang mga lulang turista nito ay mula sa Amerika at Europa kung saan karamihan sa mga ito may edad na, retirado na sa kani-kanilang trabaho at ilang negosyante na nagnanais na makapamasyal sa ibat-ibang lugar sa bansa.
Ayon sa Provincial Tourism, kada taon ay may cruise ship na dumadaong sa Romblon upang masilayan ang mga ipinagmamalaking atraksiyon ng kabisera ng lalawigan at laging nakahand ang kanilang mga Department of Tourism (DOT) accredited tour guides upang samahan ang mga turista sa paglilibot dito.
Ang mga turistang dayuhan ay namasyal sa mga white beaches ng Romblon, nag-island hopping, nagtungo sa mga pagawaan ng marmol, namili ng mga marble souvenirs o novelty items at nag-ikot sa mga makasaysayang lugar sa nabanggit na bayan.
Naging mainit naman ang pagtanggap ng Romblomanon sa mga dayuhang turista kung kaya’t labis na nagpasalamat ang pamunuan ng MS Silver Muse sa lokal na pamahalaan ng Romblon dahil sa maayos na koordinasyon at magandang pakikitungo ng mga tao dito sa kanilang mga pasaherong turista at mga tripulante.
Bago maglayag patungong Coron, Palawan ang naturang cruise ship ay pinagkalooban ng pamahalaang bayan ng Romblon ng token na yari sa batong marmol ang mga opisyal ng naturang barko.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)