Napatay sa isang anti-illegal drug buy-bust operation ang itinuturong gunman ng riding-in-tandem na nag-operate sa bayan ng Odiongan, Romblon nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Rolando Medina, 40-anyos, residente ng Malabanan, Balite, Batangas at kasalukuyang naninirahan sa San Andres, Romblon.
Nangyari ang operasyon sa Firmalo Boulevard sa Barangay Liwanag, Odiongan, Romblon bandang alas-3 ng hapon kanina.
Ayon kay Police Senior Inspector Kenneth Gutierrez, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station, Romblon Provincial Intelligence Branch sa pangunguna ni PSupt. Richard Ang, PDEA-4B at Provincial Mobile Force Company sa pangunguna ni PCI Winnerio Paguia, laban sa suspek ngunit habang isinasagawa ang transaksyon ay natunugan ng suspek na pulis ang kanyang katransaksyon kaya bumunot ito ng baril ngunit naunahang magpaputok ng mga operatiba.
Sinubukan pang isugod sa Romblon Provincial Hospital si Medina ngunit idineklara itong dead on arrival matapos magtamo ng dalawang tama ng baril sa dibdib.
Nakuha kay Medina ang isang cal. 38 na baril, isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P30,000, cellphone, wallet, at mga ID.
Ayon naman kay PDEA 4B Provincial Officer Ed Bryan Echavaria, High Value Target talaga si Medina at matagal na nilang inooperate. Hindi rin umano nila alam na ito pala ay ang itinuturong suspek rin sa nangyaring shooting incident sa Odiongan nitong Huwebes ng gabi hanggang sa kinilala ito ng biktimang si Reynaldo Sombilon.