Arestado ang isang empleyado ng Provincial Government ng Romblon matapos mahulihan ng aabot sa halos isang kilo ng mga pinatuyong dahon ng marijuana sa kanyang pamamahay nitong madaling araw ng Huwebes sa bayan ng Romblon, Romblon.
Kinilala ang suspek na si Bryan Neil Lim, 40-anyos, residente ng Quezon St., Brgy. 3, Poblacion, Romblon, Romblon.
Sa bisa ng isang search warrant na nilabas ng korte para kay Lim, ikinasa ng mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station, PDEA Romblon Provincial Office, at ng Provincial Drug Enforcement Unit ng Romblon Police Provincial Office.
Ayon kay Police Senior Inspector Gemie Mallen, pagpasok palang nila sa bahay ni Lim ay nakakita agad sila ng mga pinatuyong dahon ng marijuana na nakalagay lang sa lamesa. Ilan pang mga pinatuyong dahon ng marijuana ang nakuha sa kwarto ng suspek, at ilan pa sa mga ito ay nakatago sa isang ice chest.
May mga nakuha ring paraphernalia sa suspek kagaya ng mga lighters.
Dagdag pa ni PSInsp. Mallen, matagal na nilang na monitor ang gawain ni Lim katunayan ay sumuko na ito sa Oplan Tokhang ng Romblon Municipal Police Station ngunit hindi umano tumigil sa pagbebenta ng marijuana.
“Nakapag-test buy kami sakanya at positibong kinumpirma ito sa crime lab na marijuana kaya kumuha kami ng search warrant sa korte,” pahayag ni Mallen.
Sinabi rin ni Mallen na itinuturo rin diumano ang suspek ng dalawang nahuli sa magkahiwalay na buy-bust operation sa bayan ng Odiongan at Romblon nitong mga nakaraang buwan.
Ayon naman kay Senior Supt. Leo Quevedo, Director ng Romblon Police Provincial Office, sa kasaysayan sa lalawigan Romblon, ito ang pinakamaraming pinatuyong dahon ng marijuana na nasabat ng pulisya sa operasyon kung saan aabot ito ng 800 grams at may street value na aabot sa halos P400,000.
Itinuturing rin di umano na High Value Target si Lim ng pulisya dahil nagtatrabaho ito sa Provincial Government.
Nakakulong na ang suspek sa Romblon Municipal Police Station at mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.