Upang sanayin ang mga estudyante ng Romblon National High School sa pagkaing paghahardin, isinailalim sa oryentasyon ang mga ito ukol sa programang “Gulayan sa Paaralan” na pinangunahan ng Office of the Municipal Agriculturist (OMA).
Bahagi rin ito ng pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon ngayong taon na naka-angkla sa temang: “Ugaliing Magtanim, Sapat na Nutrisyon Aanihin”.
Layunin ng programang ito na hikayatin ang mga magulang, guro at mga estudyante na magtanim ng gulay sa kanilang bakuran at maituro sa mga kabataan kung anu-ano ang mga sustansiyang naidudulot sa katawan ng araw-araw na pagkain ng gulay.
Ayon kay Anita R. Morales, tauhan ng Office of the Municipal Agriculturist, ang pagtatanim sa sariling bakuran ng mga gulay at prutas ay hindi lamang isang paraan upang makatipid bagkus isa ring daan para matiyak na masustansiya ang pagkaing inihahain sa hapag ng bawat pamilya.
Isinusulong din ng LGU Romblon ang pagtatanim ng gulay upang mahikayat ang mga batang mag-aaral na kumain nito at maibsan ang malnutrisyon sa hanay ng mga ito.
Samantala, may nakatalaga namang lugar ng hardin ang eskuwelahan na siyang pagtatamnan ng iba’t-ibang uri ng gulay.
Kaugnay nito, nagkaloob rin ng libreng binhi ng iba’t ibang gulay ang OMA sa mga guro ng Technology and Livelihood Education Department upang itanim sa loob ng bakuran ng paaralan.