Inerereklamo ng mga residente ng Barangay Agtongo at Agbudia sa bayan ng Romblon, Romblon ang maputik na access road patungo sa kanilang barangay.
Ayon sa isang netizen na nagpadala ng report sa Romblon News Network, sobrang putik na umano ang mga kalsada sa kanilang barangay at nahihirapan na rin umano silang bumiyahe lalo na sa panahong tag-ulan.
Nitong Lunes, pahirapan ang pagbiyahe ng mga estudyante at mga mangagagawa na galing sa dalawang barangay na patungo sa Poblacion dahil sa hirap na kalsada.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Romblon Mayor Mariano Mateo, sinabi nitong may budget na umano ang probinsya para sa kalsada.
“Provincial road yan at may budget na po yan sabi ni Congressman Madrona, hindi pa po na bibiding. Pina follow-up ko na rin po yan kay Congressman at napag-usapan na po namin yan kahapon [July 12]”, pahayag ng alkalde.
Naglaan na umano ng budget na aabot sa P100-million para sa pagsesemento sa nasabing kalsada kasama ang kalsada sa Barangay Guimpingan.