Isa sa mga aktibong fault line sa bansa na mahigpit na binabantayan ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ay ang Tablas Fault, na matatagpuan sa lalawigan ng Romblon.
Batay sa opisyal na fault mapping ng Phivolcs, dumadaan ang Tablas Fault sa mga bayan ng Calatrava, San Agustin, Santa Maria, Alcantara, ilang bahagi ng Looc, Santa Fe, Carabao Island, at umaabot pa sa ilang bahagi ng Panay Island.
Ayon sa mga eksperto, ang mga active fault lines ay mga bitak o linya sa ilalim ng lupa kung saan nagaganap ang paggalaw ng mga tectonic plates. Kapag biglang gumalaw o dumulas ang mga ito, nagreresulta ito sa lindol.
Nauna nang ipinaliwanag ni dating Phivolcs Director at kasalukuyang DOST Secretary Dr. Renato Solidum Jr. na ang Tablas Fault ay maaaring makalikha ng lindol na may lakas na hanggang magnitude 7, sakaling ito ay gumalaw.
Ibig sabihin, kung mangyari ito, posibleng makaranas ng malakas na pagyanig hindi lamang sa Romblon kundi pati sa mga karatig-lalawigan gaya ng Mindoro, Aklan, Antique, at Capiz.
Gayunman, nilinaw ng Phivolcs na walang teknolohiya sa mundo ang makapagsasabi kung kailan eksaktong gagalaw ang isang fault line. Sa halip, patuloy nilang isinasagawa ang hazard mapping, monitoring, at information campaigns upang matiyak ang kahandaan ng mga lokal na pamahalaan at mga residente.
Sa gitna ng sunod-sunod na lindol na naramdaman sa iba’t ibang bahagi ng bansa nitong mga nakaraang linggo, binigyang-diin ng mga eksperto na mainam nang maging handa ang mga Romblomanon sa posibleng paggalaw ng Tablas Fault.



































