Dinaluhan ng iba’t ibang ahensya at sangay ng lokal na gobyerno ng Romblon kasama ang mga Non-Government Office, at mga panauhin ang paggunita sa 117th Foundation at 73rd Liberation Day ng Probinsya ng Romblon ngayong araw, March 16.
Nagsagawa ng misa para sa nasabing pagdiriwang na sinundan naman ng parada at maikling programa sa harap ng Provincial Capitol sa bayan ng Romblon, Romblon.
Sa mensahe ni Romblon Governor Eduardo Firmalo, sinabi nito na sana sa pagdiriwang natin ang Foundation Day at Liberation ng ating probinsya sana maliberate rin ang ating mga kababayan at kanilang pamilya.
“Kailangan ang bawat serbisyong ating ipinamamalas ay may kaakibat na sacrifice at hardwork. Ang ating probinsya ay tulad ng isang bangka at tayo naman ang sumasagwan ng sabay-sabay na hindi kailanman nagtutulakan,” pahayag ni Governor Firmalo.
Ipinagmalaki rin ni Firmalo na ang Probinsya ng Romblon ay Top 10 Best Managed Province at 2nd Drug-Cleared Province sa buong bansa.
Naging panauhin ring pandangal si Police Chief Supt. Welben Mayor, Deputy ng Directorate for Operations ng Philippine National Police. Sa mensahe ni Mayor, ipinagmalaki nito na tubo siyang Romblon ipinaalala niya rin na respetuhin at bigyang pugay natin ang mga beterano nating kababayan na lumaban para makamit ang kalayaang tinatamasa ng bansa ngayon.
Hinimok rin ni PCSupt. Mayor ang lahat ng namumuno sa probinsya na bigyan ng tamang serbisyo at pangalagaan ang kaayusan at katahimikan dito sa lalawigan ng Romblon.
Sa panghuling mensahe ni PCSupt. Mayor pinasalamatan nito ang Romblon Police Provincial Office sa pamumuno ni PSSupt Leo Quevedo dahil sa pagsiguro na ligtas at tahimik ang probinsya.
Matapos ang programa ay nagkaroon ng Cultural Talent Search na kung saan tinampukan ito ng samut saring mga talento taglay ng mga Romblomanon.