Pinakakasuhan ng Office of the Ombudsman ng kasong paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang kasalukuyang alkalde ng San Andres, Romblon na si Mayor Fernald Rovillos.
Damay sa kaso sina Melinda Gaac, Municipal Accountant; Mary Claire Mortel, Municipal Planning and Development Coordinator; Caesar Valiente, BAC Secretariat; Gay Tan, Vice Chairman ng BAC; Genny Rose Vergara, Supply Officer; at si Reynaldo Perlas ng Perlas Seed Growers.
Nag-ugat ang kasong isinampa nina dating Vice Mayor Rene Mingoa, Dinah Fradejas, Ernesta Alladin at Araceli Gabaldon matapos nilang malaman na hindi umano dumaan sa public bidding ang pagbili sa 10,000 Bitaog Seedlings na nagkakahalaga ng P550,000 na ginamit umano sa tree planting activity noong June 24, 2014.
Ayon sa Office of the Ombudsman, nakitaan nila ng probable cause para kasuhan ang grupo ni Rovillos.
Sa sworn statement umano ni Maro Salazar at Eddie Antonio na nakarating sa Office of the Ombudsman, sinabi na 2,000 seedlings lamang ang nakarating sa Local Government Unit at hindi 10,000 seedlings kahit binayaran ang P550,000 ng buo sa Perlas Seed Growers .
Batay naman sa Acknowledgement Reciept na ipinasa ng grupo ni Rovillos, sinabi rito na 6,850 ang kanilang ipinamahagi para sa Bitaog Tree Planting Activity ngunit pinabulaanan ito ng ilang Barangay Captain. Sinabi naman ni Roger Gacula na pinapirma ang Acknowledgement Receipt sakanya noong September 10, 2015 lamang habang siya ay may Seminar sa Zambales.
Batay sa nakuhang litrato ng Ombudsman sa naganap na Tree Planting Activity, aabot lamang sa halos 100 katao ang lumahok rito na nagtagal lamang umano ng 3 oras para maitanim ang sinasabing 10,000 Bitaog Seedlings. Sinabi ng Ombudsman na aabutin ng mahigit isang araw para maitanim ang 10,000 seedlings kung halos 100 lang ang taong magtatanim nito.
Patuloy na sinisikap na makunan ng pahayag ng Romblon News Network ang grupo nina Mayor Fernald Rovillos.
{googleads center}