Pumapangalawa ngayon sa pinakatahimik na lugar sa buong bansa ang rehiyong Mimaropa ayon sa pinakahuling ulat ng Regional Peace and Order Council (RPOC) sa ginanap na pagpupulong sa lungsod kamakailan.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Regional Director Police Senior Superintendent Wilben Mayor, nangunguna ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) bilang pinakamapayapa na rehiyon sa bansa at pumapangalawa rito ang Mimaropa.
Ayon kay Mayor, ebidensya nito ay ang pagbaba ng index at non-index crime volume sa mga lalawigan ng Mimaropa ng 18.98 porsiyento. Mula sa 3,314 bilang ng krimen sa rehiyon noong Enero hanggang Mayo ng 2016, bumaba ng 2,685 ang bilang ng naitalang krimen mula Enero hanggang Mayo ng 2017.
Sa katulad na petsa, naitala na kabilang sa mga may mataas na bumabang bilang ng krimen ay murder at theft na bumaba ng may 46 porsiyento gayundin ang rape case na 16 porsiyento.
Ayon sa ulat ng PNP, ipinapalagay na ang pagbabang ito ng krimen ay bunsod ng maigting na operasyon at kampanya kontra iligal na droga sa bansa ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Samantala, iniulat din ang mga naideklara nang drug-free municipalities sa Mimaropa kabilang ang mga bayan ng Mansalay at San Teodoro sa Oriental Mindoro, ang Magsaysay sa Occidental Mindoro at mga bayan ng Calatrava, Concepcion, Corcuerra, San Andres, Sta. Maria at Banton sa lalawigan ng Romblon.
Ang deklarasyon ng mga nabanggit na bayan ay batay sa sertipikasyon ng mga punumbayan nito, Department of Health (DOH) at ng RPOC.
Hinihikayat ng RPOC ang mga miyembro nito na ipagpatuloya ng mga ito ang maigting na kampanya kontra iligal na droga particular sa mga barangay at mga paaralan sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon upang matamo ang tagumpay laban sa pagsugpo sa iligal na droga.
Samantala, naging tampok din sa pagpupulong ang pormal na pagbibigay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng appointment papers ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr. bilang bagong Chairperson ng RPOC ng Mimaropa. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)