Ang mga mag-aaral sa Progreso Este Elementary School ay nakatanggap ng libreng kagamitang pang-eskwela mula sa pamahalaang bayan ng Odiongan.
Ayon kay Mayor Trina Firmalo-Fabic, ang pagbibigay ng mga libreng school supplies at iba pang kagamitan ay isa sa mga adhikaing isinusulong ng lokal na pamahalaan upang makatulong sa mga bata at sa mga magulang na nakakaranas ng kahirapan sa panahong ito.
Ang mga school supplies ay kaloob ng mga empleyado ng munisipyo sa pamamagitan ng “Ukay Ukay sa Munisipyo” bilang inisyatibo upang makakalap ng donasyon.
Ang Progreso Este Elementary School ay isa aniya sa pinakamalayo na pampublikong paaralan sa kabayanan ng Odiongan kung kaya sinisikap ng kanyang tanggapan na mabigyan ng ayuda ang mga mag-aaral dito.
Balak ng LGU Odiongan na gawin din ito sa iba pang paaralan upang mas higit na maraming estudyante ang maabutan ng tulong ng pamahalaan.