Ang Agricultural Training institute (ATI) – Mimaropa, sa pakikipagtulungan ng Office of the Provincial Agriculturist ay nagsagawa ng libreng pagsasanay sa pag-aalaga ng baboy sa organikong paraan para sa mga agricultural extension workers (AEWs).
Ang tatlong-araw na ‘Training on Livestock Production: The Organic Way’ ay ginanap sa Haliwood Inn sa bayan ng Odiongan noong isang linggo na dinaluhan ng mahigit 40 nagaalaga ng baboy mula sa bayan ng Romblon, Looc, San Agustin, Odiongan at Calatrava.
Ang pagsasanay ay pinangunahan nina Project Manager Manilyn M. Tejada at Assistant Project Manager Angelica P. Pelaez ng ATI Mimaropa sa tulong ng kanilang resource person na si Romulo Lorenzo Ostil kung saan pinaliwanag nito kung anu-anong uri ng pananim ang pwedeng gamitin sa paggawa ng organikong pagkain ng baboy.
Kanya rin pinangalanan ang iba’t ibang lahi at katangian ng baboy tulad ng land race, large white, durok boar, berkshire boar, hamshire boar, pietrain poar at meishan sow.
Ayon pa sa kanya, ang pagpili ng bulugang baboy ay isinasagawa kapag ang mga ito ay nasa edad apat hanggang anim na buwan. At sa pagpili ng gagawing barako o inahin, mabuting pamantayan ang pagiging hindi piki o sakang ang baboy. Hindi rin umano dapat lupaypay ang ulo ng baboy kapag naglalakad at nasa tama ang taas ng mga paa.
Dinagdag pa kay Ostil na ang isang bulugang baboy ay pwede nang gamitin kung ito ay may edad na pito’t kalahating buwan. Ang nasabing bulugan ay dapat may kakayahan ng sumampa sa inahing baboy, maganda ang kalidad at bilang ng semilya, at may tamang libido.
Itinuro rin nito ang pagkuha ng semilya sa bulugang baboy at kung paano isagawa ang artificial insemination sa mga inahing baboy.
Ipinaliwanag pa ng training specialist, na ang mga kadalasang nagiging sakit ng baboy ay ang pagtatae, sipon, at lagnat.
Dinagdag pa niya na upang maiwasan ang ganitong sakit, dapat ay may tamang pagpapaligo, panatilihing malinis ang kulungan at regular na pagpupurga.
Sa pagtatapos ng seminar, nagpasalamat ang mga partisepante sa ATI Mimaropa sa pagbibigay nito ng pagsasanay sa kanila dahil dagdag kaalaman ito sa wastong pag-aalaga ng baboy na hanap-buhay ng maraming taga-Romblon.