Upang makatulong sa pagbibigay ng maayos at maginhawang pagbibyahe ng mga motorista, gayundin ang mga turistang dumadaan sa kahabaan ng Strong Republic Nautical Highway, magtatayo na ngayon ng public comfort room ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa tapat ng kanilang tanggapan sa Brgy. Dangay sa ikalawang distrito.
Matatandaan na pinangunahan kamakailan ni Assistant District Engineer Annielyn E. Padullo, kasama sina Bongabong Vice-Mayor Richard S. Candelario, Dangay Brgy. Capt. Eddie T. Forca at mga sponsor ng proyekto ang groundbreaking ceremony para sa nasabing pasilidad na may sukat na 7.150 meter x 5.000 meters. Aabot sa P900,000 ang kabuuang halaga ng istruktura na itatayo sa nabanggit na lugar.
Ayon kay Padullo, ang proyekto ay bahagi ng re-entry project plan niya na isa sa mga rekisito sa pagtatapos ng kanyang scholarship program sa Development Academy of the Philippines (DAP) na ginanap noong nakaraang Biyernes.
Si Padullo ay isa sa 39 na Public Management Scholars ng DAP na napili mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaang nasyunal. Siya lamang ang tanging iskolar na galing sa DPWH.
{googleads right}
Aniya, simula pa lamang ito ng marami pang katulad na proyekto para sa ikalawang distrito dahil hangad niyang gawin ito sa iba’t ibang bayan sa lalawigan para sa mga manlalakbay. Bahagi rin ito ng kanyang re-entry project plan na may titulong “Comforting Smile for Juan and Juana”. Ang SMILE, aniya ay acronym para sa satisfaction mileage.
“That comforting satisfaction is actually the term we used to describe hindi lang satisfaction for public service, road and transport service but it should appeal also to their hearts. They are comforted by the satisfaction service and we will also provide service delight para sa ating road users,” pahayag ni Padullo.
Sinabi rin ni Padullo na ang program component ng proyekto ay alinsunod din sa mandato ng kanilang tanggapan hinggil sa road safety, road security at road comfort. Nais nilang maisiguro na ligtas at maginhawa ang pagbibyahe sa mga pangunahing lansangan.
Ipinaliwanag din niya na hindi mula sa pamahalaan ang pondo para rito kundi sa corporate social responsibility ng mga pribadong ahensya, asset-based community development at sa shared responsibility ng stakeholders sa lalawigan. (LTC/CPRSD/PIA-Mimaropa/Calapan)