Aabot sa apat na bata nalunod sa dagat sa Barangay Tabin-Dagat, Odiongan, Romblon pasado alas-3 ngayong hapon.
Dead on arrival ang tatlo ng maisugod sa Romblon Provincial Hospital habang ang isa naman ay nailigtas pa ng mga doktor na tumingin sa kanila.
Ang isa sa mga bata umabot pa ng halos kalahating oras bago marekober ang katawan sa may boundary ng Barangay Tabin-Dagat at Budiong dahil sa pahirapang pag-rescue sanhi ng malakas na alon sa dagat.
Kinilala ang mga batang namatay na sina Daniel Jacob Taneza, 11-taong gulang; Heaven Aizeh Fababaer, 8-taong gulang; at Mike david Panoy, 10-taong gulang; habang ang nakaligtas naman ay kinilalang si Miguel Valenzuela, 8-taong gulang. Pawang mga residente ng Barangay Tabin-Dagat ang apat.
{googleads right}
Ayon sa mga unang tumulong sa mga bata bago dumating ang rescuers, 5 umano silang naliligo sa malalim na bahagi ng dagat. Ang isa umano ay nakaalis sa malalim kaya nakatakbo para humingi ng tulong dahil ang apat niyang kasama ang nalulunod.
Todo naman ang hinagpis ng mga magulang ng mga bata sa Romblon Provincial Hospital matapos na madatnang wala ng buhay ang kanilang mga anak.
Ayon sa magulang ng isa sa namatay, sinabihan na nila na huwag pumunta ang mga bata sa dagat dahil may kalakasan ang alon at high tide ngunit hindi nagpapigil ang mga bata at naligo parin.
Paalala ng awtoridad, huwag pipilitang maligo sa dagat kung malakas ang alon at mataas ang tubig.