by Dennis Manzo. Philippine Information Agency | Friday, 08 April 2016
Pinaigting ng Office of the Provincial Veterinarian (ProVet) ang kampanya nito kontra rabies sa pamamagitan ng pagdaraos ng lingguhang mass vaccination at mga veterinary medical mission ngayong tag-araw.
Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Paul Miñano, ang kanyang mga tauhan sa ProVet ay nagtutungo sa lahat ng nasasakupang bayan ng lalawigan upang magturok ng anti-rabies vaccine sa mga alagang aso at pusa ng mga taga-Romblon.
Bukod sa mass vaccination, may libreng konsultasyon, deworming at treatment din hindi lamang sa mga aso maging sa iba pang mga alagang hayop.
Nabisita na ng grupo ang mga siyam na bayan sa Tablas island, nkapagsagawa na rin ng mass vaccination sa bayan ng Romblon noong nakaraang linggo, at kasunod naman nilang tutunguhin ang tatlong bayan sa isla ng Sibuyan gayundin ang iba pang island municipalities.
Bahagi umano ito ng programang tuluyang masugpo ang kaso ng rabies at para maideklara ng rabies free ang 17 munisipyo sa Romblon.
Kaugnay nito, pinaaalalahanan ng ProVet-Romblon ang mga may-ari ng aso na pabakunanahan ang kanilang alaga kontra-rabis upang masigurong ligtas sa pagkahawa ang sinumang makagat nito.
Dapat aniyang pabakunahan ang kanilang mga alagang hayop taun-taon at maging mga responsableng tagapag-alaga ng hayop.