Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) Romblon sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) at consumers laban sa iba't ibang uri ng scam, partikular sa mga alok na investment na nangangako ng malaking kita at mga pekeng mensahe na humihingi ng personal na impormasyon.
Sa Kapihan sa PIA Romblon, sinabi ni DTI Romblon Provincial Director Orville Mallorca na madalas na target ng mga scammer ang mga MSMEs dahil nakikita nilang aktibo ang mga ito sa negosyo.
“Sa ating mga MSMEs, kayo ‘yung target ng mga scammers na inooferan ng investment. Tinitingnan nila ‘yung profile ng tinatarget nila at karamihan sa mga MSMEs ‘yung nabibiktima,” ani Mallorca.
Ayon sa kanya, karaniwang inaakit ang mga negosyante sa pangakong mas malaking kita kapalit ng kanilang pamumuhunan.
Binigyang-diin ni Mallorca na dapat mag-ingat ang publiko sa mga investment offer na tila napakaganda upang maging totoo.
“Pag ‘yan ay too good to be true, huwag na kayong maniwala,” dagdag niya.
Hinimok din niya ang mga MSMEs na i-validate muna ang mga kumpanyang nag-aalok ng investment. Maaaring tingnan kung rehistrado ang mga ito sa Securities and Exchange Commission (SEC), kung may kaukulang lisensya upang mag-alok o manghikayat ng mga investor, at kung mayroon silang mayor's permit upang makapag-operate sa isang lugar.
Nagbabala rin ang DTI sa mga consumer laban sa mga scam na gumagamit ng pekeng raffle winnings, ayuda at iba pang programa upang makakuha ng personal na impormasyon o detalye ng bank account.
Halimbawa nito ang mga text message na nagsasabing napili ang isang indibidwal bilang benepisyaryo ng ayuda ngunit kinakailangang magbigay muna ng impormasyon o mag-validate sa pamamagitan ng online link.
“Huwag na huwag tayong magbibigay ng information natin,” paalala ni Mallorca.
Samantala, sinabi ng DTI Romblon na bukas ang kanilang tanggapan sa pagtanggap ng mga reklamo ng mga consumer at iba pang concern ng publiko.
Ayon kay Mallorca, kung saklaw ng hurisdiksyon ng DTI ang reklamo ay agad nila itong aaksyunan. Kung nasa ilalim naman ito ng ibang ahensya, tutulungan pa rin umano nila ang nagrereklamo na mai-refer ito sa tamang tanggapan.



































Discussion about this post