Bukas ang Malacañang na pag-aralan ang posibilidad ng pagpapatupad ng mas mahigpit na paghihigpit, kabilang ang posibleng pagbabawal, sa Facebook at iba pang digital platforms kung mapatutunayang nakapipinsala ang mga ito sa publiko.
Ito ang pahayag ni Presidential Communications Office Press Officer at Undersecretary Claire Castro matapos tanungin kung susuportahan ng Malacañang ang panukalang pagbabawal sa Facebook kasunod ng mga insidente ng karahasang umano'y may kaugnayan sa social media.
Ayon kay Castro, dapat munang masusing pag-aralan ang epekto at pananagutan ng mga social media platforms, lalo na sa usapin ng pagkalat ng karahasan at fake news.
“Kung kinakailangan po,” ani Castro, kasabay ng pagsasabing dapat suriin kung ang mga naturang platform ay nakabubuti o nakatutulong sa paglaganap ng maling impormasyon sa bansa.
Dagdag niya, maaaring isaalang-alang ng pamahalaan ang mas mahigpit na hakbang kung mabibigong tumugon ang mga social media companies sa panawagang protektahan ang mga Pilipino laban sa karahasan at maling impormasyon.
Nilinaw naman ni Castro na ang pagtutol ng administrasyon sa fake news ay hindi nangangahulugang pagbabawal sa lehitimong opinyon, kritisismo, at malayang pagpapahayag.
Aniya, maaaring pag-aralan ang paghihigpit hindi lamang sa Facebook kundi maging sa iba pang digital platforms, kabilang ang gaming apps, kung mapatutunayang may negatibong epekto ang mga ito sa kabataan at bansa.
Sa ngayon, wala pang inanunsyong agarang pagbabawal sa Facebook o iba pang social media platforms. Gayunman, sinabi ng Malacañang na bukas itong pag-aralan ang naturang posibilidad batay sa epekto ng mga platform sa kaligtasan ng publiko, pagkalat ng karahasan, at misinformation.



































Discussion about this post